CAMP CRAME – IBINULGAR ni Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde na nahatulan na sa kasong large scale illegal recruitment at may nakabinbin pang kasong estafa sa National Bureau of Investigation (NBI) si Peter Joemel Advincula na lumantad at nagpakilalang si Alyas Bikoy.
Ayon kay Albayalde, anim na taong nakulong si Advincula sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa dahil sa pagiging guilty sa kasong large scale illegal recruitment sa Bicol.
Sinabi ni Albayalde, mukhang magaling magsalita si Advincula dahil nahatulan ito ng large scale recruitment, at batay pa sa nakuha nilang impormasyon dating seminarista si Advincula at posibleng nagagamit niya ito sa panloloko.
Inaalam naman ng PNP kung sangkot sa ilegal na droga si Advincula dahil kung totoong siya si Bikoy malaki ang alam nito sa transaksiyon ng ilegal na droga sa bansa.
Samantala, magsasagawa naman ng threat assessment ang PNP sakaling humingi ng security assistance si Advincula sa PNP.
Si Bikoy ang nasa likod ng pagpapakalat ng video kung saan isinasangkot ang pamilya Duterte sa transaksiyon ng droga sa bansa.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng PNP kung ang lumutang na si Peter Joemel Advincula ang totoong si alyas Bikoy. REA SARMIENTO
Comments are closed.