UMAABOT na sa mahigit 300,000 pamilya ang naapektukhan ng mga bagyong Henry, Inday, Josie at nararanasang Low Pressure Area (LPA) sa ilang mga lalawigan sa bansa.
Batay ito sa monitoring na ginagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ang mga apektadong pamilya ay namonitor sa regions 1, 3, 4 (CALABARZON at MIMAROPA), 6, Cordillera Administrative Region at National Capital Region (NCR).
Sa ulat, 11,565 na pamilya ang nananatili sa mahigit 200 evacuation centers habang ang iba ay nakituloy sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Tiniyak naman ng NDRRMC na nabibigyang ayuda ang mga apektadong pamilya.
Sa katunayan umaabot na sa mahigit P47 milyong tulong ang naibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Local Government Unit at Non-Government Organizations sa mga apektadong pamilya.
Patuloy naman ang monitoring ng NDRRMC operation center sa mga lugar na apektado pa rin ng sama ng panahon.
Samantala, naitala ang thunderstorm sa apat na barangay sa Mariveles, Bataan kahapon na nagresulta ng flashflood.
Ayon kay Mariveles Mayor Ace Jello Concepcion, muling nalubog sa baha ang ilang mga lansangan at kabahayan sa mga Barangay ng Balon-Anito; Ipag; Camaya at San Isidro.
Inilatag naman ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at lokal na pamahalaan ng Mariveles ang emergency rescue operations.
Agad ding nagpatupad ng pre-emptive evacuation at emergency rescue operations na pinagtulungan ng mga rescue group ng Freeport area ng Bataan; Philippine Coast Guard; PNP at Metro Bataan Development Authority (MBDA) rescue team. R. MAMOGAY /ROEL TARAYAO
Comments are closed.