BIKTIMA NG BAGYO TULUNGAN – CALBAYOG DIOCESE

bishop Isabelo Abarquez

SAMAR – UMAPELA ng tulong ang Diocese ng Calbayog para sa mga biktima ng Bagyong Usman sa Northern Samar.

Ang panawagan ng Diocese ay kasunod ng pamamahagi ng pagkain ng Simbahang Katolika sa mga nasalanta ng bagyo bilang paunang tulong habang patuloy itong kumikilos para sa iba pang pangangaila­ngan ng apektadong mamamayan.

Ayon kay Bishop Isabelo Abarquez, nagtungo ito sa Pilar, Oquendo, Cabatuan at Alibaba Calbayog City na isa sa matinding napinsala ng Bagyong Usman upang mamahagi ng pagkain sa mga nasalanta.

Inihayag ni Bishop Abarquez na may mga barangay pa sa Calbayog na hindi naabot ng kanilang grupo na kinabibilangan ng mga madre at mga layko na  bukod sa malayo ay mahirap abutin bunsod ng mga pagguho ng lupa.

Umapela rin ng kagyat na tulong ang lokal na pamahalaan ng Northern Samar sa mga ahensya ng gobyerno dahil sa matinding epekto ng bagyong Usman sa lalawigan.

Ayon kay Vice Governor Gary Lavin, ang ba­yan ng Lope de Vega ang labis na nangangailangan ng tulong dahil isolated ito kung saan dalawampu sa 22 barangay ang nalubog sa tubig baha.

Pumalo na sa 85 ang naitatalang namatay matapos na manalasa ang Bagyong Usman sa ilang lugar sa bansa.

DEATH TOLL SA BAGYONG USMAN HALOS 90 NA

Sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 85 ang nasawi sa Bagyong Usman, 20 naman ang missing at 40 ang sugatan.

Naitala ang mga nasawi, missing at sugatan sa mga rehiyon ng MIMAROPA, region 5, at region 8.

Nanatili naman sa 45,348 families ang naapektuhan ng bagyo, 6,637 pamilya rito ay nanatili pa rin sa mga evacuations center at ang iba ay nakituloy sa kanilang mga kaanak at kaibigan.

KAPILYA NA NATABUNAN SA LANDSLIDE TARGET NG SEARCH AND RETRIVAL TEAM

Inaasahang mada­ragdagan pa ang 85 na namatay sa bagyo sakaling mapasok ng retrieval team ang mga isolated na lugar kabilang sa target ang lokasyon ng isang kapilya na ginawang evacuation areas subalit sinasabing natabunan din ng landslides sa Camarines Sur.

Nanindigan naman ang pamahalaan na kanilang ginagawa ang makakaya sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga patay dahil sa sama ng panahon. P. ROLDAN/ R. SARMIENTO/V. RUIZ

Comments are closed.