BIKTIMA NG BAHA SINAKLOLOHAN NG PAF

SINAKLOLOHAN ng mga air asset ng Philippine Air Force ang mga daan-daang isolated families na kabilang sa may 72,000 families na naapektuhan ng nararanasang mga pag- ulan na naging sanhi ng malawakang pagbaha sa maraming lugar sa Mindanao lalo na sa Davao Region.

Ayon sa Office of Civil Defense ang operating arms ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), nagpasaklolo na rin sa mga tauhan ng Philippine Air Force ang Davao City LGU para magamit ang air asset nito sa pagpapadala ng relief goods sa mga isolated areas

Nabatid na patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga residente sa Davao Region ang naaapektuhan ng malawakang mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa ulat ng Office of the Civil Defense – Region 11, pumalo na sa mahigit 72,000 ang bilang ng pamilyang apektado ng naturang kalamidad na dala masamang lagay ng panahon.
Samantala umakyat naman sa walo ang naitalang nasawi sa lalawigan ng ng Davao de Oro dahil sa naranasang pagbaha at pagguho ng lupa.

Ayon sa NDRRMC umaabot sa 60 landslide incidents na ang kanilang naitala.
Ayon sa Davao de Oro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, dalawa ang nadagdag sa listahan ng mga namatay mula sa anim na inulat kamakalawa.

Ang isa sa mga nasawi ay mula sa Pantukan at ang 58-anyos na lola naman ay natagpuang namatay sa Monkayo.

Nabatid na kahIt bahagyang humupa na ang pag baha ay nananatiling lubog pa rin sa tubig baha ang ilang lugar sa Davao del Norte, Davao de Oro, Davao Oriental at Davao City na inaasahang nagreresulta sa milyon milyong pinsala sa imprastraktura at mga kabahayan.

Nang dahil dito stranded ngayon ang daan-daang mga residente doon lalo na’t hindi pa rin madaanan ang ilang mga kalsada.

Sa ngayon ay patuloy pa ring inaalam ng mga otoridad kung gaano kalawak ang pinsalang idinulot ng naturang mga pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng masamang lagay ng panahon. VERLIN RUIZ