KAHIT saang sulok ng mundo, may pulitika.
Sa Pilipinas, uso rin ang siraan at sikuhan tuwing may papasok na bagong administrasyon.
‘Yung iba pa nga, nananaksak pa patalikod.
Ganyan ang nararanasan ni Executive Secretary Victor Rodriguez, ang kanang kamay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at tinaguriang “The Little President.”
Sa takbo ng mga pangyayari, nakikita nating tina-target talaga ng animo’y demolition job si Atty. Vic.
Kahit wala namang kinalaman sa usapin, pilit siyang kinakaladkad.
Halimbawa na lamang dito ay ang isyu sa illegal importation order para sa 300,000 metriko tonedang asukal.
Ang masaklap, nadadamay pati ang pamilya ni Rodriguez.
Siyempre, masakit ito sa kanilang panig.
Si Atty. Vic ay kilalang simple at disenteng tao na kailanman ay hindi nasangkot sa anumang uri ng katiwalian.
Kilala ko mga kaklase niya sa isang paaralan sa QC, naku sobrang bait at ‘di matatawaran ang leadership skills at integridad ng tao.
‘Ika nga sa kasabihan, “tell me who your friends are, I tell you who you are”!
Mismong ang Malacañang na rin ang naglabas ng paglilinaw na walang ‘kamay’ si Rodriguez sa pagpapalabas ng Sugar Order No. 4 ng Sugar Regulatory Board (SRA).
Inutusan lang daw pala ni Pangulong Marcos ang mama na magbigay ng direktiba sa Department of Agriculture (DA) upang makabuo ng importation plan ng asukal.
Naku, pati raw ang kapatid ni Atty. Vic na si Edwin Rodriguez ay nadamay rin sa importation fiasco.
Well, malinaw na ito ay paninira lang laban sa kanilang pamilya.
Iniintriga pa nga ang pagkakatalaga kay Edwin bilang consultant ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at maging sa board ng Light Rail Transit Authority (LRTA).
Sinasabing maging si Edwin ay umangal at ipinagdiinan na wala naman daw palang kinalaman sa appointment niya ang kanyang utol.
Ang nakabibilib lang din sa mga Rodriguez, sa halip na gumanti sa mga naninira sa kanila ay ipagdarasal lang daw nila ang mga ito.
Para sa kanila, sa halip daw na magpuyos sa galit, ang pinakamabuting armas sa pagkakataong ito ay ang pagiging mapagpakumbaba.
Lalo tuloy dumadagsa ang sumisimpatiya sa kanila.
Wala nang masabi ang mga gumagawa ng black propaganda dahil sa social media lalo na sa Facebook ay mas maigting ang pagsuporta ng mga tao kay Atty. Vic at sa kanyang pamilya.
Sa ganitong panahon kasi, bukas na ang mga isip ng mga mamamayan.
Sawa na sila sa siraan.
Nasusuka na sila sa mga masasamang istratehiya ng ilang mga nasa poder ng kapangyarihan.
Malinaw na istilong bulok ng mga walang pagmamahal sa bayan.
Sana’y tigilan na ang intriga o paninira.
Kung hahayaan nating magpatuloy ito, aba’y hindi makakaahon ang bansa.
Kaya huwag magpapaniwala sa kung ano-anong mga isyung hinahabi at ikinakabit sa mga Rodriguez upang sirain lang ang reputasyon ng mga ito.
Kung ano-anong akusasyon ang pinakakalat na wala namang katotohanan.