MASUSING nakikipag ugnayan ang Department of Tourism sa Local Government Unit ng Banaue, Ifugao Province at concerned national government agencies kasunod ng serye ng mudslide at flash flood na dulot ng walang humpay na pag ulan nitong nakaraang Huwebes.
Sa kasalukuyan, si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ay nakipag-ugnayan kay Banaue Municipal Mayor Joel Bungallon para mag alok ng agarang tulong para sa transportasyon ng mga stranded na mga turista at iba pang tulong na maaaring kailanganin ng LGU mula sa DOT.
Ayon sa DOT Cordillera Administrative Region Office, sa 55 domestic tourist mula sa siyam na accommodation establishments na unang naiulat na stranded dahil sa insidente, ay iilan ilan na lamang ang nananatili sa accommodation establishment.
Hiniling din ni Frasco ang mabilisang assestment sa Banaue Hotel na pinatakbo ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, isang attached agency ng DOT.
Sinusuri na ng mga engineer ang nasabing hotel kung saan naganap ang bahagi ng landslide.
Bukod dito, iniulat din ng DOT CAR na karamihan sa mga hotel sa lugar ay sumasailalim sa paglilinis dahil umaagos ang putik sa lugar kasama ang mga establisyimento na nag ulat ng bahagyang pinsala sa mga riprap at tubo ng tubig.
Nananatiling hamon ang komunikasyon dahil hindi pa bumabalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Ang DOT ay patuloy na makikipag-ugnayan sa mga apektadong LGU at stakeholders ng turismo habang masusing sinusubaybayan ang development ng lugar.
Pinapayuhan din ang mga turista na pansamantalang suspendinin ang paglalakbay sa Banaue habang patuloy ang clearing at cleaning operations. BETH C