BIKTIMA NG PAPUTOK PUMALO SA 340

UMABOT sa 340 ang bilang ng mga biktima ng paputok ngayong Kapaskuhan mula sa 62 sentinel sites na binabantayan ng Department of Health mula Disyembre 22, 2024 hanggang alas-6 ng umaga ng Enero 1, 2025.

Sa naturang bilang ay 141 ang nadagdag sa  pagsalubong sa bagong taon, 64% itong mas mababa kumpara sa naitala noong Enero 1, 2024, bagamat maaari pa itong madagdagan.

Nasa 239 sa mga biktima ay 19 taong gulang pababa habang 101 naman ang 20 anyos pataas. Sa kasarian ng mga biktima, 299 ay kalalakihan habang 41 naman ay kababaihan.

Karaniwang sanhi ng natamong injury ng mga biktima ay dahil sa ile­gal na paputok tulad ng boga, 5-star at piccolo.

Ayon sa DOH, ang pangunahing injury na natamo ng mga biktima ng paputok ay eye injury, pagkaputol sa bahagi ng katawan at sunog sa balat.

Kabilang sa mga nasawi ay ang 78 anyos na lolo na sinindihan ang Judas belt na nagresulta sa pagsabog nito dahilan kayat nagtamo ito ng multiple injuries.

Isa namang lalaki ang sinabugan ng paputok sa mukha sa Cebu nang silipin ng biktima ang paputok na “bombshell” na sinindihan sa tabing kalsada sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Umakyat naman sa 24 ang naitalang mga fireworks-related injury sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Que­zon City.

Karamihan sa itinak­bo sa Emergency Department and Trauma Center (EDTC) ay naputukan ng 5-star triangle, kwitis, boga, at picollo.

ALIH PEREZ