BIKTIMA NG RAVINE TRAGEDY INAYUDAHAN NG DSWD AT DA

Bangin

APAYAO – BINIGYAN ng  burial at medical assistance mula sa Department of Agriculture (DA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 2 ang pamilya ng mga naulila at nasugatan sa elf truck tragedy na nahulog sa bangin noong bisperas ng Undas dakong alas-7:00 ng gabi sa Sitio Gassud, Barangay Karikitan, Conner.

Namahagi rin kahapon ang Department of Agriculture-Region 2 ng tig-P15,000 sa pamilya ng namatay at nasugatan sa malagim na aksidente

Maging ang DSWD-Region 2 ay naibigay na rin ng tig-P10,000 sa pamilya ng 18 sa 19 na namatay mula Rizal, Cagayan.

Nabigyan na rin ng medical assistance na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa ang sampung nasugatan mula sa Region 2 na nagpapagaling na sa Conner District Hospital.

Binigyan din ng medical assistance ang mga nasugatan na nasa Cagayan Valley Medical Cen­ter (CVMC) kahapon.

Napag-alaman na aakuin din ng LGU-Rizal ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa 18 namatay.

Matatandaan na tanging si SK Chairman Aida Battaliones ang namatay sa mga nakisakay na mga taga-Conner sa elf.

Kahapon din ay inihatid ang labi ni Batta­liones sa kanilang bahay sa Barangay Allangigan, Conner. REY VELASCO