(Biktima ni ‘Kristine’) P667-MILYONG BAYAD-PINSALA SA FARMERS, FISHERS

IPINAHAYAG kahapon ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na tinatayang aabot sa halos P666.7 milyon ang indemnification na maaaring bayaran ng Philippine Crop Insurance Corporarion (PCIC) sa mga insured na nasirang pananim at pangisdaan ng 86,066 na magsasaka at mangingisda mula sa 10 rehiyon na lubhang napinsala ng bagyong Kristine.

Ayon kay Tiu Laurel, ito ay ayon sa inisyal na assessment ng PCIC.

Base, aniya, ito sa report na isinumite ni PCIC President JB Jovy Bernabe sa isinagawang “rapid assessment“ ng ahensiya sa mga insured na sakahan na naapektuhan ni ‘Kristine’ mula noong Oktubre 22 hanggang 25 .

Base sa report, higit sa kalahati ng mga napinsalang pananim at pangisdaan ay nagmula sa Central Luzon, Bicol Region, at Mimaropa (Region 4B).

Sinabi ni Bernabe na ang pinsala na mababayaran ay ang mga may pananim na palay, high-value crops, at fisheries.

Ang insurance payments para sa mga nasirang pananim na palay ay aabot sa P413.6 milyon, P167.9 milyion naman para sa high-value crops, at P27.7 milyon para sa fisheries sector.

“We have set aside an initial amount of P667 million for insurance payments to around 86,066 farmers,” sabi ni Bernabe.

Samantala, nanawagan si Tiu Laurel sa PCIC na pabilisin nito ang pagproseso ng insurance claims ng apektadong magsasaka at mangingisda, at ibigay ang lahat ng tulong na kinakailangan ng mga ito upang makabangon mula sa kalamidad.

Nagbigay rin ng instruction ang DA chief sa PCIC na maghanda rin para sa pinsalang maaaring idinulot sa ilang rehiyon ng bagyong Leon.

Inaasahan ni Tiu Laurel na posibleng malaki rin ang pinsalang inabot ng mga sakahan at pangisdaan bunga na rin ng naging gale warning at lakas ng hangin na babala ng Philippine Atmospheric Geophysical at Astronomical Services Administration (PAGASA) kung saan ang mga “storm surges” o daluyong sa ilang apektadong baybayin sa bansa ay maaaring nakaranas ng kasing taas ng 12 metro na alon mula sa mga karagatan.

“The pace of recovery for agriculture after a disaster like this will be determined by how quickly the government can provide inputs and financial assistance to farmers and fisherfolk. That is why I have ordered all agencies of the Department of Agriculture, including attached corporations such as the NFA (National Food Authority) and PCIC, to conduct quick needs assessments so that help can be provided immediately,” sabi ni Tiu Laurel. Ma. Luisa Macabuhay- Garcia