TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tulong sa mga apektado ng bagyong “Josie.”
Ayon kay DSWD acting Sec. Virginia Orogo, sapat ang kanilang suplay at puwede nang ipamahagi anumang oras.
Aniya, aabot sa 5,430 pamilya o 23,383 kataong lumikas sa 135 evacuation centers sa Ilocos, Cordillera Administrative, Central Luzon, National Capital, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Regions.
May karagdagan pa umanong 64,594 families o 257,958 indibidwal sa Ilocos, Central Luzon, at Western Visayas Region ang lumikas naman sa ba-hay ng kani-kanilang mga kaibigan o kamag-anak.
Sa kabuuan, 203,032 pamilya o 914,338 katao sa pitong rehiyon sa Luzon ang apektado ng bagyo dahil sa habagat.
Sa hiwalay na report, aabot sa P14,904,284 ng tulong naman ang naibigay na sa mga apektadong pamilya.
Sa naturang halaga, P9,017,848.48 dito ay mula sa DSWD habang P5,886,436 naman ang nagmula sa mga lokal na pamahalaan.
Samantala, buwis buhay ang paglilikas sa mga residente sa ilang bahagi ng bayan ng Calasiao dahil sa lampas taong tubig baha.
Umabot sa halos apat na talampakan ang baha kaya halos ang ulo na lamang ng ilang mga pulis ang makikita sa paglikas sa mga residente.
Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) Calasiao, aabot sa 600 pamilya o katumbas ng 2,500 katao na ang inilikas.
Posibleng madagdagan ito dahil sa patuloy na pagbaha.
Umabot na sa 10 talampakan ang taas ng baha na naitala sa bayan ng Calasiao, Pangasinan kung saan 22 mga barangay ang apektado.
Sa lungsod ng Dagupan naman, patuloy na inoobserbahan sa pagamutan si Barbara Cabrera na residente ng Barangay Malued matapos makuryente sa kasagsagan ng malawakang baha.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Council, dadalaw sana ang biktima sa ospital malapit sa pinangyarihan ng insidente subalit ito ay nakuryente ng livewire habang naglalakad.
Sa ngayon, malayo pa sa spilling level na 280-meters above sea level (masl) ang tubig sa San Roque Dam sa nasabing probinsiya kung saan nasa 264.90-meters pa lamang ang kasalukuyang lebel nito.
Wala ring pasok sa buong probinsiya ng Pangasinan, Bataan, Bulacan: Balagtas, Bocaue, Bulakan, Calumpit, Hagonoy, Malolos, Marilao, Meycauayan, Obando, at Paombong.
Nagkansela rin ng pasok ang Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Botolan, Candelaria, Castillejos, Iba, Masinloc, San Antonio, San Mar-celino, Sta. Cruz, Subic, Olongapo City, Cavite, Laguna, Quezon sa Tiaong, Rizal: Cainta, Morong, Rodriguez, San Mateo, Taytay; METRO MANILA: Mandaluyong City, Pasig City, Caloocan, Las Piñas, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque City, Pateros, Quezon City, Taguig, Valenzue-la; MIMAROPA — Oriental Mindoro: Baco, Naujan, San Teodoro; at Iloilo City.
Kanselado rin ang klase sa La Verdad Christian College (Apalit-all levels) La Verdad Christian College (Caloocan-all levels).
Malaking problema ang hindi madaanang mga kalsada dahil sa mataas na lebel ng tubig kaya isinailalim sa state of calamity ang bayan.
Ayon naman kay Dr. Merijean Ortizo, pinuno ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office, pinaghahanap ang isang lalaking nawala kasabay ng malakas na pag-ulan sa Bago City, Negros Occidental nitong araw ng Linggo.
Nawala umano ang lalaki noong Linggo ng hapon habang nangingisda sa Barangay Tabunan.
Pinaniniwalaang nalunod ang lalaki dahil sa malakas na agos ng tubig.
Abot na sa 79 pamilya ang nag-evacuate sa Barangay Lag-asan dahil sa pagtaas ng tubig sa Bago River kaya nagdesisyon ang City Disaster Risk and Reduction and Management Council ng Bago na ikansela ang pasok sa lahat ng lebel sa nabanggit na lungsod dahil sa mga naitalang pagbaha simula noong weekend.
Sa Benguet, iniulat ni Itogon Mayor Victorio Palangdan na patay ang isang security guard matapos maanod sa Camp 5. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.