MALAKI ang nakikitang posibilidad ng Valenzuela local government unit (LGU) na magiging sikat na pasyalan at tourism site ang Tagalag Fishing Village dahil na rin sa pagbubukas ng Daluyan Souvenir Shop at Daluyan Souvenirs on Wheels.
Ito ang paniniwala at kayang gawin ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at ngayo’y halal na 1st district representative.
Paliwanag ni Mayor Rex na pinaghirapan ng Tagalag Youth Organization ang kanilang proposal na income-generating project na nakitaan ng alkalde ng potensyal dahil sa aktibong pagkilos ng Tagalag Sangguniang Kabataan Chairman Arcee Dayego kasama ang youth leaders na sina Ashley Gimpayan, Mary Antonnette Pasco, Aizie Mae Picaña, at Francis Potencilla.
Ang “Daluyan Souvenirs Shop and Daluyan Souvenirs on Wheels ay makakatulong na ma-develop ang Tagalag Fishing Village na unang ng kinilala ng Galing Pook Awards.
Sinabi pa ni Mayor Rex na ang kulang lamang sa Tagalag Fishing Village ay ang tao na tutulong para ito makilala.
“Sabi nila, Mayor pag nanalo kayong Galing Pook awardee, isa sa mga room for improvement ninyo, ‘yung kailangan buong komunidad pati kabataan kasama sa proyekto, ” ayon sa alkalde.
Samantala, handa namang tumulong sa pag-unlad ng Tagalag si Deputy Speaker Wes Gatchalian at ngayo’y Mayor-elect, sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI) para ma-promote at mapalakas ang programa. EVELYN GARCIA