HINDI sang-ayon ang Malakanyang sa naging panukala ni PRO-7 Director Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro sa paggamit ng mga ‘tsismosa’ at ‘tsismoso’ bilang contact tracers.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bukod sa hindi pa ito nakakaabot sa Inter-Agency Task Force (IATF) ay aminado itong mahirap kung ang mga ‘tsismosa’ ang gagamitin para sa contact tracing.
Iginiit rin ni Roque ang inihayag ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay sa importansiya ng pagkuha ng contact tracers kung saan kailangang may background sa imbestigasyon ang mga kukunin.
Aniya, hindi kuwalipikado ang mga ‘tsismosa’ at ‘tsismoso’ at mas makabubuting sanayin na lamang ang mga pulis bilang contact tracers.
Dagdag pa nito na mas mainam na gumamit ng may mga standard training kaysa ibase sa tsismis ang pagtukoy sa posibleng may coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nagpaalaala naman ang Department of Health (DOH) sa mga pamantayang dapat sundin sa pagkuha ng mga contact tracer.
Ang mga contact tracer ay yaong mga indibiduwal na tumutunton sa mga taong nagkaroon ng close contact o nakasalamuha ng mga pasyente na may COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may inilabas na silang guidelines hinggil rito kasama ang pamantayan sa pag-disclose ng impormasyon ng ating mga kababayan.
Sinabi pa niya na ang pahayag ng PNP Region 7 ay maaaring para lamang mas mapaigting ang kanilang contact tracing.
Ani Vergeire, batay sa datos ng DILG na siyang nangangasiwa sa contact tracing, mayroon nang 73,985 contact tracer ngayon sa bansa.
Plano naman itong madagdagan pa ng DILG kung mabibigyan ng pondo.
Ang DOH naman ay tumutulong sa contact tracing sa pamamagitan ng mga nurse na kanilang idineploy para tumulong sa surveillance at contact tracing.
Aabot sa 8,786 nurses ang kanilang nai-deploy para rito. ANA ROSA RIO HERNANDEZ
Comments are closed.