(Bilang kongresista) PAGTAKBO NI MARCY TEODORO KINANSELA

Idineklara ng Commission on Elections (Comelec) First Division na disqualified si Marikina Mayor Marcy Teodoro sa pagtakbo bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina para sa 2025 elections.

Sa desisyon noong Disyembre 11, 2024, na pinirmahan nina Commissioners Ernesto Ferdinand Maceda, Aimee Ferolino, at Socorro Inting, sinabi ng Comelec na nagkaroon ng material misrepresentation si Teodoro sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) dahil sa maling pagdeklara ng kanyang paninirahan sa Unang Distrito.

Kinansela ang COC ni Teodoro matapos mapatunayang iniwan niya ang kanyang domicile of origin sa Unang Distrito at lumipat ng domicile of choice sa Ikalawang Distrito. Ayon sa Comelec, maling idineklara ni Teodoro na bumalik siya sa Barangay San Roque, Unang Distrito mula Barangay Tumana, Ikalawang Distrito.

“Masusing sinuri namin ang lahat ng ebidensyang isinumite ng magkabilang panig at napag-alamang mas matimbang ang ebidensya ng mga petisyuner. Pinatunayan nito ang kanilang reklamo na nagkaroon ng material misrepresentation ang respondent sa kanyang kwalipikasyon sa paninirahan, dahilan upang kanselahin ang kanyang COC,” ayon sa Comelec.

“Sa pagdeklara sa kanyang COC ng kabaligtaran, kahit alam niyang hindi niya natutugunan ang minimum residency requirement, malinaw na nagkaroon ng material misrepresentation si Teodoro na hindi puwedeng palampasin ng Komisyon,” dagdag pa ng desisyon.

Bagamat pinapayagan ng batas sa eleksyon na bumalik ang isang kandidato sa kanilang dating tirahan, binigyang-diin ng Comelec na dapat itong tumugon sa mga partikular na legal na rekisito.

“Ipinag-uutos ng batas sa eleksyon na dapat magbigay ng pruweba ang isang kandidato na naibalik niya ang kanyang paninirahan sa kanyang domicile of origin nang hindi bababa sa isang taon bago ang araw ng pambansa at lokal na halalan sa 2025,” ayon sa ruling.

Hindi kumbinsido ang Comelec na naibalik ni Teodoro ang kanyang paninirahan sa Unang Distrito simula Abril 2024. “Hindi nakumbinsi ang Komisyon na nagawa ni Teodoro na bumalik at muling itatag ang paninirahan sa Unang Distrito mula Abril 2024,” sabi ng desisyon.

Pinatunayan ng mga petisyuner na nabigo si Teodoro na magpakita ng kongkretong mga kilos at ebidensyang nagpapatunay ng kanyang intensyon na bumalik sa Unang Distrito.

“Hindi mapapasubalian at inamin mismo ni Teodoro na mayroon siyang bahay sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, at matagumpay niyang nailipat ang kanyang legal na paninirahan doon. Kaya’t upang matagumpay at mabisang maibalik ang kanyang tirahan sa Unang Distrito, kinakailangang magpakita ng ebidensyang tumutugon sa lahat ng mga kinakailangang aspeto,” paliwanag ng Comelec.

Sa desisyon nito, binanggit ng Comelec ang mga legal na dokumento ni Teodoro mula Hulyo at Setyembre 2024, na nagpapakita ng kanyang address sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, kahit pa idineklara niyang bumalik na siya sa Unang Distrito noong Abril 2024.

Tinanggihan ng division ang paliwanag ni Teodoro na ang kanyang abogado ang naghanda ng mga dokumento at gumamit ng pansamantalang address sa Ikalawang Distrito.

“Hindi maaaring basta na lamang isisi ng respondent sa kanyang abogado ang address na iyon, na, sa una pa lamang, ay hindi ipapasok sa mga pleadings kung hindi siya mismo ang nagbigay ng representasyon na doon siya nakatira,” sabi ng Comelec.

Binanggit din ng Comelec na ang mga dokumento ay notaryado, kaya may mas mataas itong halaga bilang ebidensya sa legal at administratibong proseso. Idinagdag pa na sa pagpirma ni Teodoro sa mga dokumento, inaasahang alam niya ang nilalaman nito, kabilang ang nakasaad na address.

Binanggit din ng poll body na binago ni Teodoro ang kanyang driver’s license upang ipakita ang address nito sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, na higit pang nagpapatibay sa kanyang intensyon na panatilihin ang legal na paninirahan doon.

Binigyang-diin din ng Comelec ang mga pahayag ng mga petisyuner at kanilang mga saksi na nagsasabing hindi nila nakita si Teodoro na aktwal na naninirahan sa Unang Distrito. Ang mga saksi, na naninirahan malapit sa dating tirahan ni Teodoro, ay itinuturing na mapagkakatiwalaang mga pinagkukunan.

“Bagamat hindi ina­asahan ng batas na ang isang kandidato ay nasa bahay 24 oras kada araw, 7 araw kada linggo upang matugunan ang rekisito sa paninirahan, hindi normal para sa isang tao na nagke-claim ng paninirahan sa isang lugar na bihirang makita doon o makita lamang sa mga okasyon o espesyal na kaganapan,” ayon sa ruling.

Idinagdag pa ng Comelec na nabigo ang mga ebidensya ni Teodoro na patunayan ang kanyang pagbabalik sa Unang Distrito. Ang resolusyon ng Election Registration Board na nagpapahintulot sa paglilipat ng kanyang talaan ng botante sa Barangay San Roque, Unang Distrito, ay hindi sapat na pruweba ng aktwal at pisikal na paninirahan doon.

Hindi rin kumbinsido ang Comelec sa mga utility receipt na ipinakita ni Teodoro na may address sa Unang Distrito.