MAY posibilidad umanong madagdagan pa ang listahan ng mga lugar na mapapabilang sa areas of concern at isasaila-lim sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec).
Ito’y habang papalapit na ang panahon ng kampanyahan para sa May 13 local elections na nakatakda sa Marso 29.
Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na marami pang lugar sa ngayon ang isinasailalim sa balidasyon ng Philippine National Police (PNP).
Aniya, kabilang sa mga pinag-aaralan ng PNP ay ang mga lugar na may kasaysayan na ng karahasan, at posibleng magkaroon ng election-related violence sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Jimenez, kamakalawa ng hapon ay idineklara na rin ng Comelec ang buong rehiyon ng Mindanao at Abra; gayundin ang Jones, Isabela at Lope de Vega, Northern Samar, sa ilalim ng Category Red Election Hotspot para sa darating na halalan.
Dahil na rin ito sa mga election-related incident sa mga nasabing lugar noong mga nagdaang halalan at sa mga seryosong banta mula sa mga ilang armadong grupo.
“The Category Red classification may warrant the motu proprio declaration of Comelec Control over the affected area, and the Comelec en banc may direct the augmentation of personnel of the Philippine National Police and Armed Forces of the Philippines as the need arises,” aniya.
Ipinaliwanag naman ni Jimenez na ang seryosong armed threats ay mula sa New People’s Army, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG), at mga rogue elements ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front at iba pang grupo.
Kaugnay nito, sinabi ni Jimenez na may impormasyong nakarating sa kanilang tanggapan na mayroon pang lugar sa bansa na maaaring isailalim sa kontrol ng Comelec, ngunit hindi na muna idinetalye ang nasabing impormasyon.
Nilinaw naman nito na ang paglalagay sa Comelec control ng isang lugar ay kinakailangang manggaling sa mga local election officer at mga law enforcement agency sa lugar na ipapasa at dedesisyunan naman ng Comelec en banc.
Matatandaang ikinakategorya ng Comelec, PNP at AFP ang election hotspots mula berde hanggang pula.
Paliwanag ni Jimenez, ang mga lugar na nasa ilalim ng green category ay “of no security concern and are relatively peaceful and orderly.”
“Category yellow refers to areas with a history of election related violence or the existence of intense partisan political rivalry, but without the participation of domestic terror groups while category orange refers to areas where there are likewise serious armed threats posed by domestic terror groups and other analogous armed groups in addition to conditions that would qualify an area as category yellow,” aniya pa.
“Category Red, referring to areas where, while being under category orange, the relevant government agencies declare the existence of conditions which may constitute grounds for the declaration of control,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.