NAGING matagumpay ang pakikipaglaban ng lokal na pamahalaan ng Parañaque sa COVID-19 dahil sa patuloy ang pagbaba ng bilang nito na umaabot na lamang sa 70.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang mass testing, isolation at treatment ang pinakamabisang pamamaraan na ginamit na nagdulot ng mabilis na pagbaba ng bilang ng COVID-19 sa lungsod.
Napag-alaman kay Olivarez , noon lamang Oktubre 25 ay may nananatili pang 87 kaso ng COVID-19 at kinabukasan ay nasa 82 na lamang at matapos ang isang araw ay muling bumaba ito sa 76 hanggang sa nakapagtala pa ng mas mababang bilang ng naturang virus ang lungsod kahapon sa 70 pasyente.
Kasabay nito, sinabi ni Olivarez na ang kooperasyon na ipinakita ng mga residente sa lokal na pamahalaan pati na rin ang mga pagmamalasakit ng mga doctor at nurses ay isang malaking dahilan kung bakit mabilis ang naging pagbaba ng bilang ng COVID-19 sa lungsod.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang alkalde sa tinatawag na dakilang bayani ng lungsod gaya ng doctors, nurses at iba pang frontliners na isinakripisyo ang kanilang mga sarili sa peligro para lamang mapagkalooban ng atensiyon medikal ang mga dinapuan ng COVID-19.
Base sa huling record ng City Health Office (CHO), nakapagtala ang lungsod ng 6,660 kaso ng COVID-19 at 6,421 pasyente rito ay nakarekober na habang 169 ang nasawi.
At patuloy na pagbaba ng naturang virus sa lungsod , umabot na sa apat na barangay ang kasalukuyang literal na masasabing COVID-19 free na kinabibilangan ng Barangay Dongalo, La Huerta, San Dionisio at Vitales na nasasakupan ng Distrito 1. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.