BILANG NG GUSTONG MAGPAPABAKUNA DUMOBLE

DAHIL sa babalang bawal lumabas ng bahay ang mga hindi bakunado, bawal ding pumasok sa trabaho kung walang antigen test ang mga manggagawa kaya biglang lumobo ang mga gustong magpabakuna gaya ng naranasan sa lungsod ng Maynila.

Inihayag kahapon ng city government of Manila na dumoble ang bilang ng mga indibidwal na nagpapabakuna sa Maynila at ilang ay nagmula pa sa mga karatig bayan habang lagpas na sa tatlong milyon doses ng bakuna ang naipagkaloob sa lungsod.

Nabatid na ang bilang ng mga nais magpabakuna kahapon sa pagpapatuloy ng mass vaccination ng pamahalaang lokal para sa mga eligible population ay dumoble sa lahat ng 44 health centers, dalawang shopping malls at anim na community sites.

Hanggang nitong ala-6:30 ng gabi ng Enero 3, may total na 3,039,022 vaccine doses ang naipamigay na ng pamahalaang lungsod ng Maynila kung saan 12,315 ang naiturok nitong Lunes.

Sa kasalukuyan, may 1,589, 032 indibiduwal na ang nabakunahan at sa bilang na ito ay 1,489,068 ang fully-vaccinated, habang may total na 121,641 bakunado naman ang nakatanggap ng kanilang booster shots.

Sa kaso naman ng mga menor de edad ay 222,656 ang mga nabigyan ng first dose habang 104,587 ang fully vaccinated.

Nalagpasan na ng Maynila ang target na bilang ng mga bakunado upang matamo ang required population protection.

Base sa bilang ng Comelec, ang eligible population sa lungsod ay 1,065, 149 habang ang Department of Health ay nagsasabi na kailangan lamang ang bilang 1,351,487 para sa population protection.
VERLIN RUIZ