NANGANGAMBA si Senador Nancy Binay na posibleng mas marami ang mawalan ng trabaho kapag nagpatuloy ang health crisis sa corona virus disease (COVID-19).
“Ngunit habang nilalabanan natin ang pandemyang ito, kinakaharap naman ng bawat pamilyang Pilipino (sic) ang pangamba ng kawalan ng trabaho sa hinaharap,” pahayag ng senadora.
Dahil dito ay tiniyak ni Binay na magbibigay tulong ang Senado sa mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga batas na mag-dadagdag ng pondo sa kaban ng bayan, at magbubukas ng bagong trabaho at mga mapupuhunanan.
“Hinihimok natin ang Department of Labor and Employment na ipagpatuloy at pagbutihin pa ang mga programa nito para sa mga nawalan ng trabaho; ang emergency fund nito para sa mga OFW; at ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) para sa informal sector. Tulungan natin ang mga nasa impormal na sektor dahil sila ang saligan ng muling pagbangon ng ekonomiya,” ani Binay.
Kahit na aniya maipatupad ang new normal ay tiyak na marami pa ring manggagawa ang apektado dahil hindi naman lahat ng kumpanya ay maari ng magbalik sa operasyon.
Samantala, nagpaabot ang senadora ng buong suporta at pagkilala sa lahat ng frontliner para sa kanilang hindi matatawarang serbisyo at sakripisyo kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa. VICKY CERVALES
Comments are closed.