BUMABA ng 95 porsiyento ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente, ang volume ng incoming passenger mula Marso 16 hanggang Hunyo 30 ay bumaba ng halos 96 porsiyento habang ang departing passengers ay bumaba ng 95 porsiyento.
Aniya, malaki ang naging epekto sa pagkasuspinde ng mga international flight ng iba’t ibang airlines, kaakibat ang travel restriction dulot ng COVID-19.
Dagdag pa nito mananatiling mababa ang volume ng incoming at departing international flights passengers, habang nakikipaglaban ang buong mundo sa coronavirus.
Sinabi naman ni Immigration Deputy Spokesperson at BI National Operations Center (BINOC) Acting Chief Melvin Mabulac, umabot lamang sa 189,000 passengers ang dumating noong buwan ng Marso hanggang Hunyo 30, at aniya malayo kung ikukumpara noong nakaraang taon na umabot sa 5.16 milyon ang bilang ng mga pasahero ang dumating sa mga paliparan.
Sa kabila ng nararanasang krisis ng Filipinas at ibang mga bansa sa buong daigdig ay nakaalerto naman ang kanyang mga tauhan sa airport laban sa human trafficking. FROI MORALLOS
Comments are closed.