BILANG NG NAPUTUKAN PUMALO NA SA 69

Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko, partikular na sa mga bata na huwag gumamit ng paputok upang makaiwas sa disgrasya

Ito ay makaraang iulat na umabot na sa 69 ang naitalang fireworks-related injuries (FWRI) sa bansa matapos ang pagdiriwang ng Pasko.

Sa  datos ng DOH nitong Huwebes,  nakapagtala pa sila ng 26 bagong kaso ng biktima ng paputok nitong Pasko na mas mababa o kalahati ng 52 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

Ayon sa DOH, ang naturang kabuuang kaso ay kanilang naitala mula noong Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 26, base sa ulat ng kanilang 62 sentinel sites.

58 sa mga biktima ay nagkakaedad ng 19-taong gulang pababa habang ang 11 naman ay nagkakaedad ng 20-taong gulang pataas.

Iniulat na 59 o 86% ng total cases na nasangkot sa pagpapaputok ay gumamit ng mga ile­gal na paputok, gaya ng boga.