BILANG NG PUBS SA EDSA CAROUSEL PINADAGDAGAN NG DOTr

NAKIPAGNEGO­SASYON ang Department of Transportation (DOTr) sa transport consortiums na operator ng public utility buses (PUBs) sa EDSA Carousel para padagdagan ang bilang ng mga bus ng 550 hanggang 650 upang masolusyunan ang problema ng mga mananakay tuwing rush hours.

Sa idinaos na Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan na ang kaniyang ginawang pakikipagpulong ay upang lutasin ang tumataas pang bilang ng mga pasahero na sumasakay sa EDSA Carousel.

Upang mapabuti at maging komportable ang mga mananakay, maglalagay pa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng dalawang EDSA Carousel stations sa Tramo at Ayala Avenue.

Binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng DOTr ang bagong median bus stops nitong unang linggo ng Agosto sa Roxas Boulevard at Taft Avenue.

Maliban sa nabanggit ng dalawang istasyon, may 15 median bus stops para sa EDSA Carousel at tatlo pang bus stops sa outer lanes ang isinasailalim pa sa konstruksiyon.

Ang mga ito aniya ay malaking tulong sa inaasahang pagtaas pa ng bilang ng mga mananakay lalo na ngayong magsisimula na ang pasukan sa Agosto 22 at unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes sa Nobyembre.

Bilang karagdagan, muling binuksan na rin ng LTFRB ang higit sa isang daang ruta ng pre-pandemic city bus, public utility jeepney, at UV Express.

“Para po masigurado natin na kapag nagbalik eskuwela po tayo sa parating na linggo ay magkakaroon po tayo ng sapat na bilang ng mga public transport na masasakyan po ng ating mga estudyante,” dagdag pa ng DOTr chief. BENEDICT ABAYGAR, JR.