INIULAT ng Department of Health (DOH) na lumobo na sa 24 ang bilang ng mga indibidwal na itinuturing nila ngayon bilang Persons Under Investigation (PUI) at mino-monitor laban sa novel coronavirus o 2019 nCoV.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Health Secretary Francisco Duque III na nananatili pa ring nCoV-free ang Filipinas at wala pa silang naitatalang kumpirmadong kaso ng sakit sa bansa kaya’t walang dapat na ipangamba ang publiko.
Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Duque na masusi na nilang mino-monitor ang 24 PUIs, na mula sa Metro Manila, Western Visayas, Central Visayas, Mimaropa, Eastern Visayas, at Northern Mindanao.
Tatlo namang PUIs ang pinayagan na ring makalabas ng pagamutan matapos na lumitaw sa isinagawang pagsusuri sa kanila na dumaranas sila ng ibang karamdaman.
Samantala, hinihintay ng DOH ang resulta ng pagsusuri sa 18 PUIs mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa screening, at confirmation sa laboratory results mula sa Victorian Infectious Disease Reference Laboratory (VIDRL) para naman sa anim pang PUI.
“The DOH today updated its 2019-nCoV case tracker and revealed that as of January 28, 2020 (12:00) DOH has recorded a total of 27 Patients Under Investigation (PUIs) broken down as RITM screening results pending-18 cases; VIDRL (Australia) confirmatory tests- 6 cases; Discharged but under monitoring-3 cases; Confirmed cases- 0,” anang DOH.
Iniulat pa ng DOH na sa kasalukuyan ay mayroon nang 2,798 confirmed cases ng 2019-nCoV sa buong mundo, na karamihan ay mula sa China, habang ang 37 ay mula naman sa may 11 iba pang bansa.
Mayroon na rin umanong 80 pasyente ang naitalang namatay dahil sa sakit, at lahat ng ito ay mula sa China, o may global case fatality rate na 2.9%.
Dahil dito, kinaklasipika na ng WHO ang risk level sa pagkalat ng sakit na ‘very high’ o napakataas sa China, samantalang ‘high’ o mataas naman sa regional at global levels.
Kasabay nito, inianunsiyo na rin ng DOH sa publiko ang ginawa nilang pag-convene o pag-activate sa kauna-unahang Interagency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Nagpulong na ang mga miyembro ng Task Force na binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of the Interior Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Tourism (DOT), Department of Transportation (DOTr), at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Kabilang din sa dumalo sa diskusyon hinggil sa updates sa 2019-nCoV ay mga kinatawan mula sa attached agencies, kabilang ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Civil Aviation Authority (CAA), at Civil Aviation Board (CAB), at maging Philippine Coast Guard, gayundin ang mga opisyal ng World Health Organization (WHO).
Sa isinagawang pulong ng Inter-Agency Committee ay nagkasundo naman ang mga miyembro nito na suportahan ang mga Overseas Filipinos sa China.
Hinikayat din ni Duque ang publiko na manatiling vigilante at panatilihing malinis ang kanilang pangangatawan upang makaiwas na dapuan ng virus sakaling tuluyan na nga itong makapasok sa Filipinas.
“I urge the public to remain vigilant. Let us continue practicing good hand hygiene, observing proper cough etiquette, maintaining distance from people manifesting flu-like symptoms, cooking food properly, and adopting healthy lifestyles,” ani Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ
SUPPLEMENTAL BUDGET PARA SA CORONA VIRUS
Hinikayat ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang Kamara na maghanda para magpasa ng panukala para sa supplemental budget sa pinangangambahang pagkalat ng sakit na novel corona virus sa bansa.
Ito ay dahil isinisisi ni Brosas ang pagtapyas sa pondo ng DOH para sa disease surveillance dahilan kaya kulang ang budget para sa screening ng mga potential carrier ng corona virus.
Ikinabahala ni Brosas ang kakulangan sa pondo dahil umabot sa 56% ang ibinawas para sa disease surveillance ngayong taon.
Sa inaprubahang 2020 General Appropriations Act, nasa P115.5 million ngayong 2020 ang alokasyon para sa epidemiology and disease surveillance program ng DOH mula sa P263 million noong 2019.
Giit ng kongresista, buhay at kalusugan ng mga Filipino ang nakasalalay rito.
Kailangan aniya na magkaroon ang gobyerno ng kakayahan na ma-track at epektibong malabanan ang sakit lalo pa’t milyon-milyong turista ang bumibista sa bansa. CONDE BATAC
Comments are closed.