MUKHANG maraming mga manggagawa ang magkakaroon ng masayang Pasko ngayong taon. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), dumami ang mga Filipino na may trabaho nitong Oktubre.
Bumaba umano ng 4.5% nitong buwan ng Oktubre ang unemployment rate kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon na 5.1%. Ayon sa PSA, may halos isang milyong Filipino lamang na may edad 15-24 ang walang trabaho nitong taon sa kabuuang 7.3 milyon na manggagawa sa nasabing populasyon ng puwersa ng youth labor. Sa madaling salita, may mahigit anim na milyong mga kabataan na nasa edad 15-24 ang may kasalukuyang trabaho.
Ayon pa sa PSA, ang employment rate nitong buwan ng Oktubre ay 95.5%. Mas mataas ito kumpara noong Oktubre 2018 na 94.9%. Kung ito ay hihimayin, ang mga manggagawa sa sektor na pumapailalim sa nagbibigay serbisyo ay 57.7%. Samantala, sa agrikultura naman ay 23.5% at sa industriya ay 18.9%.
Samantala, ang proporsiyon ng may mga trabaho na underemployed o may trabaho subalit nagnanais pa ng mas magandang trabaho upang tumaas ang kanilang kita o suweldo ay nasa 13%. Noong nakaraang taon, ito ay nasa 13.3%.
Ang mga underemployed na nagtatrabaho ng mahigit sa 40 oras sa loob ng isang linggo ay nasa 38.0% nitong Oktubre. Kung ito ay hihimayin, 44.9% ay nasa sektor na nagbibigay serbisyo, 37.8% ay nasa agrikultura at 17.3% ay nasa industriya.
Maaaring ang pagbaba ng bilang ng walang trabaho ay dahil sa pagbubukas ng oportunidad sa mga manggagawa sa programa ng pamahalaan na ‘Build Build Build’ at ang pag-akyat ng ekonomiya ng ating bansa.
Maraming mga proyektong pang-impraestruktura ang ating pamahalaan. Kaya naman nangangailangan din ng mga trabahador para rito. Ang MRT-7, inter-connector road, New Clark City, at marami pang iba ay puspusan ang konstruksiyon. Nakasisiguro ang mga manggagawa sa nasabing proyekto ng hanapbuhay sa susunod na tatlo hanggang limang taon.
Magandang senyales ito sa mga susunod na taon para sa ating bansa. Natatandaan ko ang sinabi ni Bases and Conversion Development Authority (BCDA) President and CEO Vivencio ‘Vince’ Dizon na itinalaga rin ni Pangulong Duterte bilang Presidential Adviser for Flagship Programs and Projects, na ang ‘Build Build Build’ program ng ating pamahalaan ay kailangang agresibo at seryoso upang hindi mawala ang momentum nito. Tuloy-tuloy na ito, ika nga.
Ang pribadong sektor ay maluwag na susuporta at mamumuhunan kapag nakikita nila na ang ating gobyerno ay seryoso sa kanilang mga malalaking proyektong pang-impraestruktura. Ang magandang ehemplo rito ay ang Bonifacio Global City (BCG). Ito ay nasa ilalim ng BCDA. Dating Fort Bonifacio ito na isang base militar natin. Nakita ng pribadong sektor na seryoso ang ating go-byerno sa kanilang plano na itayo ito bilang isang financial district ng ating bansa. Kita naman ninyo ang BCG ngayon, sumasabay na ito sa Makati.
Kaya naman ang New Clark City at iba pang mga proyektong pang-impraestruktura ay makatutulong upang guminhawa ang buhay ng mga Filipino at malaki ang maitutulong upang umangat ang ating ekonomiya.
Comments are closed.