(Bilang paghahanda sa closed fishing season) PH AANGKAT NG 25,000 MT NG ISDA

BINAWASAN ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang import volume ng isda para sa October-December closed fishing season.

Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, nagpasya ang National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC) na umangkat ng 25,000 metric tons (MT) ng frozen pelagic fish, kabilang ang galunggong (round scad), mackerel, at  bonito.

Saklaw ng naturang pag-aangkat, sa ilalim ng  Memorandum Order No. 17, ang closed fishing season mula Oktubre 1 hanggang Disyembre 21 ngayong taon.

Ang memorandum ay inisyu makaraang ipag-utos ni  Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang pag-aalis ng non-tariff barriers sa imported agricultural products sa ilalim ng Administrative Order No. 20.

“Mas mababa ito kumpara doon sa inaprubahan noong nakaraang taon. Noong nakaraang taon, nasa 35,000 MT ang inaprubahan natin,” sabi ni Briguera .

Aniya, binabaan ang importasyon upang umakma sa actual consumption, at suplay mula sa aquaculture sector ng bansa.

Noong 2023, ang 35,000 MT volume base sa certificate of necessity to import (CNI) ay hindi ganap na nakonsumo pagdating sa alokasyon.

“Minarapat ng konseho na dapat maging akma doon sa pangangailangan talaga, the actual consumption na nangyari noong umangkat tayo ng isda,” ani Briguera.

“Nagbigay din ng assurance ang ating aquaculture sector na magkakaroon sila ng sapat na volume din para mapunan kung ano man iyong gap,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Briguera na makatutulong ang maagang pag-iisyu ng CNI para maiwasan ang pagkakaantala sa delivery ng imports, tinukoy ang ilang isyu na naranasan noong 2023.

“In terms of time, pag-process, iyong pagbiyahe nung mga inangkat na isda, nagkakaroon tayo ng issue.”

Ang pag-angkat ay inaasahan ding makatutulong upang mapatatag ang market prices sa sandaling ipatupad ang closed fishing season sa  Palawan, Zamboanga Peninsula, at  Davao Gulf.

(PNA)