MAGIGING abala ang Philippine women’s football team sa paghahanda para sa kauna-unahang pagsabak nito sa FIFA World Cup.
Ngayon pa lamang, tatlong major tournaments na ang nakalinya para sa Filipina booters bago ang pagdaraos ng pinakamalaking international tournament ng football sa July 20hanggang August 20 sa susunod na taon sa Australia at New Zealand.
Ayon kay Philippine Football Federation (PFF) president Nonong Araneta, kasunod ng kanilang pagsabak sa AFC Asian Cup ay ang Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam, ASEAN Football Championships sa Manila, at ang Asian Games sa Hangzhou, China.
“These are the three tournaments lined up for our team as part of the preparations for the World Cup,” wika ni Araneta sa virtual Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes, kung saan sinamahan siya ni PFF secretary-general Ed Gastanes.
Ang lady booters ay gumawa ng kasaysayan noong Lunes nang makopo nila ang isang berth sa World Cup matapos ang 4-3 panalo laban sa pinapaborang Chinese Taipei via penalty shootout sa quarterfinals ng nagpapatuloy na AFC Asian Cup sa Pune, India.
Bukod sa training preparation na kailangang isagawa ng lady booters para sa kanilang pinakamalaking kampanya, kailangan ding harapin ng PFF ang stint ni coach Alen Stajcic sa koponan.
Ang kontrata ng 48-year-old Aussie mentor sa national squad ay nakatakdang mapaso sa pagtatapos ng AFC meet.
“We have to talk to coach Alen because of course, he has brought the team to where it is now,” sabi ni Araneta sa Forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), Philippine Olympic Committee (POC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, Unilever, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at social media at webcast partner Prime Edge.
“We want him to continue until probably the World Cup next year,” dagdag ng PFF prexy. “Whatever it takes for us to get him.”
Binigyang-diin ni Gastanes ang kakayahan ni Stajcic, kung saan ang two-time World Cup mentor ay may kiumpletong staff na binubuo ng isang fitness coach, analytics, assistant, isang video coordinator, at isang ground coach.
“Gusto natin ‘yung makuha pa rin ‘yung serbisyo ng kanyang team. Hindi siya biro. He is one of the best women coaches in the world,” anang PFF secretary-general.
Ang Pinay booters ay nasa semifinals ng AFC meet sa unang pagkakataon kung saan makakasagupa nila ang regional power South Korea sa Huwebes.
“We have to be realistic with our chances against Korea,” pag-aamin ni Araneta, at pinaalalang ginulantang ng Koreans ang Australia sa quarterfinals, 1-0.
“Pero iba na ‘yung usapan ngayon because you know of what happened. ‘Yung level nila, ‘yung confidence nila that they can compete with the best, andiyan na. So andiyan ‘yung confidence ng team, and ‘yung morale nila na that they are in the World Cup will give them the extra motivation to play harder and go to the finals.” CLYDE MARIANO