(Bilang paghahanda sa kalamidad) PHIVOLCS MODERNIZATION ISINUSULONG NG SENADO

NAIS ni Senador Alan Peter Cayetano na pagkakaroon ng maayos na sistema sa pagbibigay ng impormasyon bilang bahagi ng paghahanda sa mga kalamidad.

Ito ang inihayag ni Cayetano, chairperson ng Senate Committee on Science and Technology sa pagdinig kahapon ng panukalang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at Earthquake Monitoring and Early Warning System Act.

“God forbid that the ‘Big One’ hits Metro Manila, and it can also hit Mindanao, Metro Cebu, or Baguio City. Not only should we consider the preparedness, but the cascading of information kasi as presented earlier, pwedeng down ang lahat ng [communication] lines,” diin ng Senador.

Aniya, malaking problema ito dahil noong tumama ang super typhoon Yolanda noong 2013, napag-alaman na mayroon 30 satellite phones lamang ang buong network ng gobyerno na hawak ng militar.

“In the future we’d like to ask the Metro Manila Development Authority (MMDA) and local government units (LGUs), if something does happen, are we dependent on cell phones? Kapag nawalan ng signal, do we have an alternative? Nagkaroon din ng problema ang satellite phones noon (during Yolanda) sa charging,” anang senador.

Binanggit din ni Cayetano ang kahalagahan ng pagmamapa ng mga pampublikong imprastruktura na nasa ibabaw ng fault line, pati na ang pagsusuri ng kanilang linya ng komunikasyon.

Tinukoy naman ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na ang kanilang ahensiya ay kadalasang nagbibigay ng impormasyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) na silang nagbibigay ng impormasyon.

Sinabi ni Bacolcol na nagpo-post din ang Phivolcs ng real-time na impormasyon sa pamamagitan ng mga social media account nito.

Tinukoy din sa pagdinig ang pangangailangan para sa mas maraming kawani sa Phivolcs kaya’t iminungkahi ni Cayetano sa ahensiya na bumuo ng isang scholarship program na maghihikayat sa kabataang Pilipino na kumuha ng mga in-demand na kurso sa agham tulad ng hazard mapping.

“We’ll try to put something in the bill that would encourage Phivolcs to have a special scholarship program,” aniya.

Natapos ang pagdinig sa pangunguna ni Cayetano sa pag-apruba sa Phivolcs Modernization Act at Earthquake Monitoring and Early Warning System Act sa antas ng Senate Committee on Science and Technology. VICKY CERVALES