(Bilang patuloy na suporta sa economic recovery) INTEREST RATES 2% PA RIN

Benjamin Diokno

PINANATILI ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang benchmark interest rate nito sa 2% bilang patuloy na suporta sa pagbangon ng ekonomiya mula sa COVID-19 pandemic.

Ang desisyon ng Monetary Board (MB) ay inanunsiyo ni BSP Governor Benjamin Diokno.

“On balance, the Monetary Board sees scope to maintain the BSP’s policy settings in order to safeguard the momentum of economic recovery amid increased uncertainty, even as it continues to develop its plans for the gradual normalization of its extraordinary liquidity measures,” sabi ni  Diokno.

Ang rates ay hindi nagbago magmula nang babaan ito ng board noong November 2020.

Ang rates ng central bank ay nagsisilbing benchmark para sa loans, credit card, at deposit rates para sa mga bangko at lending companies.

Nauna rito ay sinabi ng BSP na patuloy itong nagbabantay sa posibleng epekto ng Ukraine-Russia sa ekonomiya ng bansa, at nakahanda itong tugunan ang posibleng second-round effects ng pagbilis ng inflation.

Tumaas ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga produktong petrolyo, sa mga nakalipas na linggo dahil sa epekto ng paglusob ng Russia sa Ukraine.

Ang presyo ng langis ay sumirit sa 11 magkakasunod na linggo bago nagkaroon ng rolbak noong Marso 22.