(Bilang proteksyon, self defense) MEDIA SHOOTFEST SUPORTADO NG PNP

PROTEKSYON at self defense ang pagkakaroon ng kaalaman sa pagbaril ang binigyang diin ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil bilang suporta sa hangad ng media na maging lehitimong gun owner.

Ginawa ni Marbil ang pahayag sa pagbubukas kahapon ng 2nd PNP Press Corps Invitational Shootfest na ginanap sa Quezon City Police District Firing Range sa Quezon City.

Ito ay inisyatiba ng grupong mga mamamahayag upang mabigyang edukasyon ang mga miyembro ng media gayundin ang publiko hinggil sa tama at responsableng pag-iingat ng baril.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng PNP Chief na mahalaga ang pagkakataong ito lalo na sa mga panahong inaatake ang mga mamamahayag at nabibiktima ng krimen.

Iniulat din ng PNP Chief na batay sa kanilang datos, bumaba ang mga naitatalang krimen kung saan nabibiktima ang media.

Kasunod naman nito, muling tiniyak ng PNP ang kanilang pagsuporta sa mga mamamahayag bilang Vanguard on Media Security na inilunsad ng Pamahalaan.

Dumalo rin sa nasabing okasyon sina dating PNP Chief, PGen. Oscar Albayalde (Ret), PNP Public Information Office Chief at PCol. Jean Fajardo.
EUNICE CELARIO