(Bilang suporta sa paglaban sa COVID-19) BSP MAGRE-REMIT NG P20-B DIVIDENDS

BSP

MAGKAKALOOB ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na panibagong P20 billion sa national government bilang suporta sa pagsisikap nito na malabanan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sa isang statement, sinabi ng central bank na ang advanced dividends ay bumubuo sa 87% ng tinatayang kabuuang dibidendo base sa unaudited financial statements ng BSP para sa 2020.

Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, ang remittances ay isasagawa sa pamamagitan ng direct credit sa Treasurer ng Philippines-Treasurer Single Account, na minamantina sa BSP.

“We are one government. We are one Filipino nation. And we, at the BSP, shall support all efforts to fight this once-in-a-lifetime pandemic and keep the economy afloat,” ani Diokno.

Sa ilalim ng kaaamyenda pa lamang na charter nito, ang BSP ay wala nang mandatong mag-remit ng dividends sa national government, sa kondisyon na ang lahat ng deklaradong dibidendo ay agad ipalalabas para sa pagbabayad ng pagtataas sa capitalization ng central bank.

Gayunman ay sinabi ng BSP na inaprubahan ng  Monetary Board na ipagpaliban ang paggamit ng dibidendo nito para sa 2019 at mag-remit ng P20 billion bilang advance o partial dividends para suportahan ang mga programa ng pamahalaan sa panahon ng enhanced community quarantine na nagsimula noong Marso 17 at tatagal hanggang Abril 12.

“The BSP has and is ready to employ the necessary tools in its arsenal to address the impact of COVID-19 while staying true to its mandate,” ani Diokno.

Noong Martes ay inanunsiyo ng BSP ang pagbabawas ng 200 basis points sa reserve requirement para sa lahat ng universal at commercial banks simula sa susunod na linggo, Marso 30.

Nauna rito ay sinabi ng BSP na bibili ito ng P300-billion na halaga ng government securities upang suportahan ang mga programa ng gobyerno laban sa pagkalat ng COVID-19.

Comments are closed.