NAGLABAS ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil sa Anti-Cyber Crime Group (ACG) at lahat ng kanyang personnel na tutukan ang paglaban sa cyber crime o krimen gamit ang internet at online.
Giit ng PNP chief, mas dapat na pagtuunan ng pansin ng mga pulis ang pagsiguro sa kaligtasan ng publiko mula sa ibat ibang krimen partikular na sa tumataas na kaso ng cybercrime.
Base sa datos ng PNP-ACG, tumaas ng 21.84% ang kaso ng cybercrime sa unang quarter ng 2024 o mula Enero hanggang Marso kumpara noong nakaraang taon kabilang dito, ang online selling scams, credit card fraud, at investment scams.
Maaaring maging sanhi ng pagtaas ng insidente ng cybercrimes ay ang pagtaas ng aktibidad sa online, mga sopistikadong taktika sa cybercrime at ang kawalan ng kamalayan ng publiko.
Kaugnay nito, sinabi ng ACG palalakasin pa ang cyber patrol habang ang mga “cyber cops” ay nakatutok sa mga krimen sa internet.
Dahil dito, ipinag-utos na rin ni Marbil ang pinaigting na operasyon laban sa cybercriminals.
Palalakasin at bubuhusan din nila ng suporta ang kanilang cybercrime unit upang mapalakas ang kapabilidad laban sa mga krimen na nangyayari sa cyberspace.
Bilang mga tagapagpatupad ng batas, pinasisiguro ni Marbil sa mga pulis ang nakahandaan na rumesponde sa reklamo ng mamamayan. EUNICE CELARIO