BILANGGUAN PARA SA HEINOUS CRIME ITATAYO NA

OCCIDENTAL MINDORO – INIHAYAG ni Bureau of Corrections (BuCor) Acting Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na isa ang lalawigang ito sa tatlong pasilidad na itatayo habang ipinapatupad ng pamahalaan ang Republic Act (RA) No. 11928, ang Separate Facility for Heinous Crimes Act.

Ipinag-uutos ng RA 11928 ang pagtatayo ng tatlong pasilidad – tig-isa sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sinabi ni Catapang na pinili ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang Occidental Mindoro bilang lugar ng unang heinous crime facility.

Dagdag nito, ang bagong pasilidad ay magiging maximum security facility kung saan ang mga preso ay hindi papayagang maka-access o makagamit ng mga mobile phone at iyon ay susubaybayan gamit ang high-tech equipment.

Sa ilalim ng RA 7659, ang mga karumal-dumal na krimen ay kinabibilangan ng pagtataksil, piracy and mutiny on the high seas in Philippine waters, qualified piracy, qualified bribery, parricide, murder, infanticide, kidnapping at serious illegal detention, robbery with violence against or intimidation of persons, destructive arson at panggagahasa. EVELYN GARCIA