BILATERAL RELATIONS NG PILIPINAS AT CZECH REPUBLIC

NAGING mabunga ang pagbisita ni Czech Republic Prime Minister Petr Fiala sa bansa.

Sa kanilang bilateral meeting, aba’y ang daming napag-usapan ng dalawang lider.

Dito’y ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Fiala na talagang may potensiyal ang Pilipinas para sa pamumuhunan. Tama nga naman si PBBM, ang ating bansa ay nasa strategic location sa Timog Silangang Asya at magandang gateway sa ASEAN at Asya-Pasipiko.

Gumaganda rin ang kalagayan ng ating ekonomiya. Nariyan din ang ating mataas na gross domestic product (GDP) at matatag na economic outlook sa kabila ng pandemya.

Para nga kay Fiala, dahil daw sa naging talakayan nila ni Pangulong Marcos, lalo na sa kooperasyon, ay umaasa itong magkakaroon ito ng magandang bunga, partikular sa pamumuhunan at pagnenegosyo.

Kasama pala ni Fiala sa biyahe niyang iyon ang kanyang business delegation na sinasabing may interes sa agrikultura, aviation, transportasyon, space technologies at iba pa.

Pinagtibay rin nila ang commitment sa isa’t isa sa larangan ng demokrasya, karapatang pantao, at rule of law.

Marami nga pala tayong mga kababayan sa Czech Republic na matagal nang nagtatrabaho roon. Aminado si Fiala na kuntento ang mga kompanya sa kanilang bansa sa trabaho ng mga Pinoy.

Kaya naman, plano raw ng pamahalaan nila na dagdagan pa ang kanilang mga Filipino worker. Labis ang pasasalamat ni Fiala sa aniya’y mainit na pagtanggap natin sa kanila at sa kanyang delegasyon.

Nagkaroon din daw pala ng palitan ng pananaw sina Pang. Marcos at Fiala hinggil sa ilang international issues tulad ng girian ng Russia at Ukraine at maging ang sigalot sa West Philippine Sea (WPS).

Sa susunod na buwan, magkakaroon naman ng biyahe si Pangulong Marcos sa Indonesia para dumalo sa ASEAN 2023. Tiyak na magkakaroon din ang Pangulo ng bilateral meetings sa iba pang ASEAN leaders sa nasabing okasyon.

Abangan ang susunod na kabanata!