SA loob ng unang pitong buwan ng taong 2022 ay umabot na sa US$50.03 bilyon ang bilateral trade sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ito ang naging bahagi ng pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa kanyang ginawang pagdalo sa “China (Fujian)-Philippines Economic and Trade Cooperation Promotion Conference” na dinaluhan ng ilang economic experts.
Tumaas ito ng 2.4% kumpara sa mga nakalipas na taon. Sinasabing mula 2016 hanggang 2021, ang inaprubahang pamumuhunan ng China sa Pilipinas ay umabot sa kabuuang 161 bilyong piso, kaya ang China ang pangalawa sa pinakamalaking pinagmumulan ng dayuhang pamumuhunan.
Inihayag ni Amb. Huang Xilian na nakita ang matatag na paglago ng pamumuhunan sa areas ng digital economy, steel, at high-end manufacturing.
Sinabi pa nito na karangalan niyang dumalo sa “China (Fujian)-Philippines Economic and Trade Cooperation Promotion Conference. Sa ngalan aniya ng Chinese Embassy sa Pilipinas, nagpasalamat ito sa DTI at Fujian Provincial government sa matibay na suporta. Pinasalamatan din niya ang Philippine E-com United Association.
Sinasabing sa nakalipas na anim na taon, ang kooperasyong pangkabuhayan at kalakalan ng Tsina at Pilipinas ay nakamit ang mabungang resulta sa ilalim ng estratehikong patnubay ng dalawang pinuno.
Napanatili ng China ang nangungunang trading partner ng Pilipinas sa loob ng anim na magkakasunod na taon. Ang mga tropikal na prutas ng Pilipinas tulad ng sariwang niyog, frozen na prutas, at abokado ay sunod-sunod na pumasok sa pamilihan ng China. Ang dalawang panig ay nakikipag-usap ngayon sa pag-export ng durian sa China.
Ipinagmalaki pa ng Chinese envoy na mula nang mahalal si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ay napanatili ni Pangulong Xi Jinping ang malapit na pakikipag-ugnayan sa kanya sa pamamagitan ng mga liham at tawag sa telepono.
Parehong napagkasunduan ng dalawang lider na pagtuunan ang pagkakaibigan ng Tsina-Pilipinas at patuloy na isulong ang bilateral na kooperasyon, na naglatag ng pundasyon para sa pagpapaunlad ng bilateral na ugnayang pang-ekonomiya.
Umaasa si Huang Xilian na ang nasabing komperensya, ay magsusulong ng kalakalan, magsusulong ng pakikipagtulungan sa pagitan ng mga pribadong sektor, mapabilis ang kooperasyon sa apat na pangunahing larangan ng agrikultura, imprastraktura, enerhiya at relasyon sa mga tao, at palawakin ang kooperasyon sa mga lugar tulad ng berdeng ekonomiya at digital na ekonomiya sa pamamagitan ng ng pagbibigay ng platapormang pang-ekonomiya.
Dapat tayong magtulungan upang ipatupad ang proyektong “Two Countries Twin Parks” upang sama-samang bumuo ng mga demonstration zone.
“We should collaborate to implement the “Two Countries Twin Parks” project to jointly build demonstration zones for economic innovative development, and realize a deep integration of industrial chains, supply chains, and value chains. In the process, Fujian entrepreneurs are expected to leverage their geographical and kinship advantages to become the pioneers in furthering the economic ties.”
Pinaniniwalaan na sa pamamagitan ng magkasanib na pagsisikap, malalampasan ang mga panlabas na kahirapan tulad ng epidemya ng COVID-19 at kilusang anti-globalization at patuloy na palakasin ang pagkakaibigan at pagtitiwala sa isa’t isa. VERLIN RUIZ