BILISAN ANG PAG-REHABILITATE SA MARAWI

HINIMOK  ni Partido Reporma senate candidate Dra. Minguita Padilla ang gobyerno na madaliin ang proseso ng rehabilitation sa Marawi, lalo’t marami aniyang residente roon ang naghihintay hanggang ngayon na makabalik sa kanilang mga tahanan.

“Ang sabi ng gobyerno mga 75 to 80 percent nang na-rehabilitate ang Marawi, pero ang sabi ng mga taga-roon malayo pa daw,” giit ni Padilla.

“Baka daw kalsada lang ang binabanggit ng Task Force Bangon Marawi (TFBM), pero yung ibang impraestruktura wala pang naaayos,” dagdag pa ng doktora.

Isa si Padilla sa mga naunang nagsagawa ng relief efforts sa Marawi matapos matupok ang makasaysayang lugar na ito sa Mindanao dahil sa limang buwang giyera ng militar at mga militanteng grupong kaanib ng Islamic State (IS) noong 2017. Nagpadala mismo si Padilla noon ng dalawang truck na puno ng mga gamot at iba pang relief goods para sa mga na-displace na residente ng Marawi.

“Nakalulungkot na mag-lilimang taon na simula nang nangyari yung Marawi siege e hindi pa rin makabalik ang mga tao sa lupang kinalakihan nila,” sabi ni Padilla.

Ikinatuwa naman ni Padilla ang pagpasa sa third and final reading sa Senado ang Marawi Victims Compensation Act. Naunang naipasa ito ng Kamara at ngayon ay maaari na itong maisabatas ng Pangulo. Makakatulong aniya ito sa mga displaced residents na makabangon muli.

“Lubos ang pasasalamat natin sa ating mga senador sa pagpasa ng batas na ito, pero kailangan ring maisaayos ng gobyerno ang proseso at mapabilis ang pagbibigay ng building permits sa mga nagnanais nang makabalik sa kanilang lupain at makapagsimulang mamuhay muli sa Marawi,” ang sabi ni Padilla.

“Sadyang napakagandang lugar ang Marawi at napakahalaga nito sa kasaysayan at kultura ng ating bansa. Nakakapanghinayang ang nangyari sa sentro na ito ng Lanao del Sur, pero naniniwala ako na makakabangon muli ang ating mga kababayan doon sa tulong ng ating gobyerno,” dagdag pa ng doktora.