BILISAN NA ANG REHABILITASYON NG NAIA

Magkape Muna Tayo Ulit

SA WAKAS, nagkaroon na ng pag-usad ang planong mala­king rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil umabot sa deadline ang pagsusumite ng panibagong proposal ng ‘super consortium’ na nag-alok sa ating pamahalaan upang ayusin ang nasabing paliparan.

Ewan ko ba kung ano ang dahilan at tila naiwan sa pansitan ang nasabing proyekto samantalang bibong-bibo ang mga press release ng nasabing consortium noong nakaraang taon. Pinalalabas nila na handang-handa silang simulan ang rehabilitas­yon ng NAIA. Tapos big­lang naglahong parang bula.

Nagbigay tuloy ang Department of Transportation (DOTr) ng ultimatum sa revised proposal nila at kung hindi ay ibabasura na nila ang usapan sa ‘super consortium’. Aligaga tuloy na hinabol nila ang hi­ling ng DOTr at umabot naman  isang araw bago mapaso ang nasabing usapan. Ngayon ay pag-aaralan ng DOTr ang revised proposal ng ‘super consortium’.

Sa totoo lang, ako ay napapailing tuwing ako ay tatapak sa NAIA. Tuwing ako ay bibiyahe o maghahatid lamang ng kamag-anak, hindi ko maialis na ihambing ang ating paliparan sa ibang bansa na akin nang napasyalan. Ang layo natin sa ibang mga bansa.

Sa aking personal na pananaw, panahon na talagang ilayo na ang NAIA sa Metro Manila. Nagkaroon na ng usapan dati na ang San Miguel Corporation ay may planong magtayo ng airport sa Bulacan at tatawagin nila itong Aeropolis. Kakailanganin ng napakalawak na lupain upang maipatupad ang planong ito. Kakailanganin din ng ilang taon upang itayo ang mga kailangang imprastraktura bago natin makita at maramdaman ang planong ito.

Nandiyan din ang rehabilitasyon ng Clark International Airport. Sa kasalukuyan, ginagawa na ang rehabilitasyon ng Megawide GMR na siyang gumawa rin ng Mactan Cebu International Airport.

Malaki ang hinaharap o future ng Clark International Airport. Malaki ang lupain na sinasakop nito at ang pa­ngunahing imprastraktura ay nandiyan. Ito ay dahil sa mga nailagay ng Estados Unidos noong may base militar pa sila rito. Isa na rito ang Clark Air Base.

Ang pangunahing problema sa NAIA ay iisa lamang ang kanilang main runway. Ito ang pangunahing sanhi ng mga delay ng flights natin. Isama na rin natin ang mga overbooking ng ginagawa ng karamihan ng airlines sa mga lokal na biyahe. Ganoon pa man, umaasa ako na pag-aaralan ito nang husto ng DOTr upang maging matagumpay ang nasabing proyekto.

Ang Super Consortium ay binubuo ng mga kilala at magaga­ling na korporasyon sa ating bansa. Sila ay ang Aboitiz InfraCapital Inc., AC Infrastructure Holdings Corp., Alliance Global Group Inc., Asia’s Emerging Dragon Corp., Filinvest Development Corp., JG Summit Holdings Inc., at Metro Pacific Investments Corp.

Comments are closed.