BILL VS ‘NO PERMIT, NO EXAM’ POLICY PINAMAMADALI

BAR EXAM-2

KASUNOD ng nag-viral sa social media na video kung saan nakapila ang mga estudyante kahit pa sa oras makalipas ang hatinggabi para lamang kumuha ng permit at makapag-exam, nanawagan si Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar sa kanyang mga kapwa mambabatas na agad na ipasa ang panukala laban sa ‘No Permit, No Exam’ policy.

“Students should not be barred from taking exams due to their inability to pay tuition and other school fees at the time of their examinations. Hindi lang sa kolehiyo nangyayari ito ngayon kundi pati sa elementary at high school,” ang malungkot na pahayag ng ranking lady House official.

Kaya naman paggigiit ni Villar, nararapat lamang na kumilos ang Kamara upang sa lalong madaling panahon ay lumusot na ang naturang panukala, na maituturing na isang key education reform measure. Ang counterpart measure nito sa Senado ay aprubado na sa third and final reading.

Pagbibigay-diin pa ng Las Piñas City solon, isa sa principal authors ng House Bill 7584 o “An Act Allowing Elementary and Secondary Learners with Unpaid Tuition and Other School Fees to Take the Periodic and Final Examinations on Good Cause and Justifiable Grounds,” malaking tulong para sa pamilyang nahaharap sa problemang pampinansyal, lalo na ang mga nilugmok ng Covid-19 pandemic, ang pag-apruba at ganap na pagpapatupad sa nabanggit na panukala.

Tahasang sinabi ni Villar na hindi dapat maging usapin ang kahirapan o pagiging kapos sa pinansiyal na kapasidad para ang bawat kabataang Pilipino ay mapagkalooban ng dekalidad na edukasyon.

Sa ilalim ng HB 7584, ang mga private basic educational institution ay inaatasang magpatupad ng kaukulang polisiya kung saan papayagan ang mga mag-aaral nito, na bunsod ng emergencies, force majeure, mabuti o katanggap-tanggap na kadahilan ay nagkaroon ng hindi nabayarang financial obligations sa eskuwelahan, sa kanilang scheduled periodic exams.

Ang parents o guardians ay kinailangang makapagbigay ng promissory note subalit ang pagpayag na hindi muna mabayaran ang kanilang balance sa paaralan ay dapat hindi lalampas sa current school o depende sa pagpayag na higit dito ang panahon sa pagbabayad.

ROMER R. BUTUYAN