INIUTOS ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa mga outdoor advertiser na itiklop ang kanilang mga naglalakihang nakasabit na billboards dahil sa paparating na bagyong si “Rosita” kung saan nakataas na ang storm warning signal number 1 sa Metro Manila.
Ito ay napag-alaman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim na nagsabing nararapat nang ibaba ang mga tarpaulin at billboards sa mga pangunahing lansangan dahil sa inaasahang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan at malalakas na hangin sa Hilaga at Gitnang Luzon na dala ng naturang bagyo.
“Para sa kaligtasan ng mga motorista at mga pasahero, inatasan natin ang mga billboard owners na ibaba ang kanilang mga tarpaulin, partikular ang mga malalaking billboard, lalo na ngayong may bagyo,” ani Lim na siya ring nagsisilbing concurrent chairman ng MMDRRMC.
Kahapon ay itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Storm Warning Signal Number 1 sa Metro Manila.
Sinabi ni MMDRRMC focal person Michael Salalima, hindi na kailangan pang hintayin ang buhos ng ulan bago simulan ang pagbababa ng mga advertiser ng kanilang billboards para maiwasan ang pinsalang maaaring idulot ng paparating na bagyo.
Dagdag pa ni Salalima, makikipag-ugnayan ang MMDA sa mga miyembro ng MMDRRMC at mga disaster management teams ng mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila para i-monitor ang posibleng epekto ng bagyo sa buong Kamaynilaan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.