BILLIE EILISH MAGKAKAROON NG VIRTUAL PERFORMANCE SA OKTUBRE 24

BILLIE EILISH

Ni AIMEE GRACE ANOC

MAGTATANGHAL para sa kanyang mga tagasuporta ang singer na si Billie Eilish sa Oktubre 24 kung saan ang concert ay maaaring mapanood ng live sa kanyang website.

Ito ay inanunsiyo mismo ng Grammy-winning singer sa kanyang Instagram sa pamamagitan ng isang poster na may pamagat na “Where Do We Go?”.

“Miss doing shows so much. So I’m doing a livestream October 24th and I can’t wait to be performing again. Get your tickets now,” ayon sa post ni Billie.

Maaaring makabili ang fans ng virtual tickets para sa nasabing event sa kanyang site sa halagang P1,400 ($30).

Para sa mga bumili ng tickets magkakaroon sila ng access para sa karagdagang merchandise at ang lahat ng nabentang produkto ay mapupunta sa Crew Nation, kung saan mabebenipisyuhan ang mga crew member at trabahador na apektado ng pandemya.

Maaaring mapanood ang concert sa loob ng 24 oras simula Oktubre 24, alas-3 ng hapon, Pacific Standard Time (Oktubre 25, alas-6 ng umaga, Philippine time).

Magtatanghal sana sa Maynila si Billie Eilish noong Setyembre bilang bahagi ng kanyang “Where Do We Go?” world tour concert ngunit ipinagpaliban niya ito nang dahil na rin sa pandemyang nararanasan natin ngayon.

Comments are closed.