BILYON-BILYON NA CASH NAIPUSLIT SA PH NOONG NAKARAANG TAON

MONEY PH

BILYON-BILYONG piso umano ang ilegal na nakapasok sa bansa noong nakaraang taon.

Sa pagdinig ng House Ways and Means Committee hinggil sa pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa hindi awtorisadong pagpasok ng malalaking foreign currency sa bansa, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng komite, na natukoy na P28.6 billion ang cash na naipuslit sa bansa mula sa apat na sindikato noong 2019.

Samantala, hinihinala naman na P50.1 billion pa na cash ang naipuslit sa Filipinas noong nakaraang taon na hindi pa rin nakikita hanggang ngayon.

Sa pagdinig ng komite sa House Bill 6516 ay iginiit ni Salceda na kailangan na ng agarang reporma laban sa bulk cash smuggling dahil kinokonsidera ng intergovernmental watchdog na Financial Action Task Force (FATF) na ‘red flag’ ang ilegal na pagpasok at paglalabas ng bultu-bultong halaga ng pera sa bansa.

Ayon din sa may akda ng panukala, ang bulk cash smuggling ay isang potential source ng terrorist financing at sinasamantala rin ng mga syndicated crime group.

Bukod dito, malaki rin ang implikasyon ng pagpapalusot ng malalaking halaga ng pera o cash sa bansa, partikular na sa remittances ng mga OFW, sitwasyon ng mga financial institution, at pagbagsak ng GDP ng bansa.

Sa ilalim ng panukala, kailangang mai-report agad ang one-time inbound o outbound transport ng cash na aabot sa P500,000.

Mahaharap sa kasong kriminal at mabigat na parusa ang sinumang indibidwal, opisyal o awtoridad na sangkot o nakipagsabwatan para magpuslit ng napakalaking pera sa bansa. CONDE BATAC

Comments are closed.