BILYONG PONDO SA MARAWI REHAB, NASASAYANG

Marawi rehab

PINANGANGAMBAHAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na masasayang ang bilyong pondo na inilaan para sa Marawi rehabilitation.

Sa ginawang pagdining ng Sub-committee on Disaster and Management, lumalabas na P5.6 Billion pa lamang ang nagugugol ng Task Force Bangon Marawi mula sa P10 Billion na kabuuang pondo sa rehabilitasyon.

Ayon kay Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, kung hindi magagamit ang pondo ay mag-e-expire na ito bago matapos ang taon.

Hindi na rin aniya ito maidadagdag sa budget ng susunod na taon kaya nababahala ang mambabatas na magiging kawawa ang mga Maranao.

Sa susunod na pagdinig ay uusisain ng Sub-committee ang mga programa na nailatag na ng TFBM upang makita pa kung saan dapat na aspeto ng rehabilitation ang paglalagyan pa ng pondo.

Pinuna naman nina Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang hindi pagharap ng mga kalihim ng ahensiya na nangunguna sa TFBM at sa halip ay puro kinatawan lamang ang pinapaharap sa mga pagdinig.

Bukod sa anila’y walang laman ay wala ring continuity dahil sa iba-iba ang mga sinasabi ng mga ipinadadalang representative. CONDE BATAC

Comments are closed.