(Binalaan ng LTO) MOTORISTANG GUMAMIT NG MGA SIRENA, BLINKERS

BINALAAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga pribadong motorista na gumagamit ng mga mga sirena, blinkers at mga katulad na device na nakakabit sa mga sasakyan na hindi naman sila awtorisadong gamitin ang mga ito.

Kasabay nito, inatasan ni Mendoza ang lahat ng regional directors na makipag-ugnayan sa mga tanggapan ng ahensya ng gobyerno sa kanilang lugar para sa mandatoryong pagtanggal ng mga sirena, blinker at mga katulad na device na makikitang nakakabit sa mga sasakyan.

Ang aksiyon ni Mendoza ay bilang pagsunod sa Administrative Order 18 na inilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Ayon kay Mendoza, ang koordinasyon ay magbibigay daan para sa accounting ng government-owned at private motor vehicles na pag-aari ng government employees at officials na may sirena, blinker at iba pang katulad na device ngunit hindi kasama sa listahan ng mga pinapayagang gumamit nito sa ilalim ng AO 18.

“I take this opportunity to appeal to our fellow government workers to voluntarily remove these gadgets in compliance with the directive of our Chief Executive, President Marcos,” apela ni Mendoza.

“Ayaw nating dumating pa tayo sa punto na magkakasitahan at magkakahulihan pa sa kalsada dahil maliwanag ang utos ng ating Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista na mahigpit na ipatupad ang kautusan ng ating Pangulo,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Section 1 ng AO, lahat ng opisyal at tauhan ng gobyerno ay ipinagbabawal na gumamit ng mga sirena, blinker, at iba pang katulad na mga gadget, kabilang ang mga dome light, blinker, o iba pang katulad na signaling o flashing device.

At sa ilalim naman ng Section 2, nakasaad na ang mga sirena, blinker, at iba pang katulad na mga aparato ay hindi dapat gamitin maliban na lamang kung kinakailangan para sa official use ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at mga trak ng bumbero, mga ambulansya, at iba pang mga sasakyang pang-emergency.

Sinabi ni Mendoza na nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa Department of Transportation (DOTr) at sa iba pang kinauukulang ahensya para sa pagsusuri, at pag-update ng mga umiiral na patakaran at alituntunin upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng AO.

Dagdag ng LTO chief, sa panig ng mga pribadong sasakyan ay nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa PNP at iba pang law enforcement agencies para mahuli ang mga lalabag. EVELYN GARCIA