(Binalaan sa gitna ng nakaambang La Niña) HOARDERS, PRICE MANIPULATORS

TUTUGISIN ng pamahalaan ang mga hoarder at price manipulator na nambibiktima ng mga consumer sa gitna ng napipintong La Niña phenomenon, babala ni  Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto C. Teodoro Jr.

Ayon kay Teodoro, chairperson ng Task Force El Niño, ang pagsugpo sa price manipulation at pagpapanagot sa mga hoarder ay kabilang sa mga prayoridad sa government response.

“Access to affordable basic commodities such as rice is exceptionally crucial to millions of Filipino consumers. Any sudden fluctuation in the price of rice resonates (in) the daily lives of Filipinos,” sabi ni Teodoro.

Aniya, nakahanda ang DND na magkaloob ng suporta sa mga ahensiya na may kinalaman sa price monitoring ng basic necessities and prime commodities.

“Whatever support is needed by the Department of Trade and Industry and the Department of Agriculture, rest assured we are here ready to assist them,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Teodoro ang pangangailangang paigtingin ang price at supply monitoring efforts sa mga pamilihan upang maprotektahan ang mga consumer mula sa profiteering sa gitna ng weather phenomenon.

Sa ilalim ng Executive Order No. 53, na nag-aatas sa pamahalaan na i- streamline, i-reactivate, at i- reconstitute ang dating El Niño task forces sa ilalim ng  EO No. 16 (s. 2001) at Memorandum Order No. 38 (s. 2019), si Teodoro ay itinalagang chairperson ng  task force, kasama si Science and Technology Secretary Renato U. Solidum bilang co-chairperson.

 Nilagdaan noong Jan. 19, 2024, ang executive order ay nag-aatas sa task force na bumuo ng isang comprehensive disaster preparedness and rehabilitation plan para sa El Niño at La Niña upang magkaloob ng  “systematic, holistic, at  results-driven interventions” para matulungan ang publiko at maibsan ang mga mapaminsalang epekto.

Itinalaga rin ng Pangulo bilang miyembro ng task force sina Department of Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr., Health Secretary Teodoro J. Herbosa, at National Economic and Development Authority Secretary Arsenio M. Balisacan.

(PNA)