BINALAK KONG DAGDAGAN NG GULAY

Binalak kong dagdagan ng gulay
Ang ating Awit ng
Vegetarian
Ng pako, katuray,
binahian,
Tapilan, takway,
lagikway, galyang.

Idugtong pa itong
sabidukong,
Alugbati, panawil, talilong,
Amsi, lupo,
saluyot,
pongapong,
Kadyos,
himbabao o alokon.

O di kaya’y palaypay, lasona,
Papait, lubi-lubi, pariya,
Kakawate, sapsapon, kabesa,
Kolitis, at kamansing ginisa.

At iba pang paraan ng lutong
Pamana sa atin ng ninuno
Na itinula at itinuro —
Subalit sino ang nagpahinto?

Ngayon alam na natin kung bakit
O kailan at saan napatid.
Aralin kung paano ibalik
Sa gunita ano mang nawaglit.

Patapangin mo ang siling duwag
Sa tulong ng sugod-sugod agad.
Ipatupad na ang mga batas
Na magpapalawak ng pag-unlad

Nitong pansit-pansitang di-pansin
At ibang halamang-gamot natin.
Angkinin ang ating angking galing
Na galing sa pagka-malikhain.

Habang tinutunaw
ko ang yelo
Sa halo-halo, itinanong ko: Totoo bang tayo ay nagbago
Nang suhayan itong Bahay Kubo?