(‘Binangga’ ng HK-flagged cargo vessel) PAGHAHANAP SA 14 MISSING PINOY PINAIGTING

Senadora Grace Poe-4

NAIS ni Senadora Grace Poe na palawakin at pakilusin ng awtoridad ang lahat ng makinarya nito upang suyurin ang karagatan sa paghahanap sa 14 Filipino na nawawala matapos banggain ang kanilang bangka ng isang Hong Kong-flagged cargo vessel malapit sa dalampasigan ng Mindoro.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na dapat humingi rin ng tulong ang Philippine Coast Guard sa kalapit-bansa hinggil sa kagamitang pandagat at panghimpapawid dahil nauubos na panahon sa search and rescue mission.

“Every day counts. We should not let down the families of the 14 Filipinos awaiting the safe return of their loved ones,” aniya.

Ayon pa sa senadora, malaki ang tiyansa na ma­kita ang mga nawawalang mangingisda kung magtutulong-tulong ang lahat para sa malawakang paghahanap.

Idinagdag pa ni Poe, kahit mga komunidad sa dalampasigan ay nagboluntaryo na sa paghahanap ng anumang senyales ng natu­rang mga mangingisda.

“In this situation, we need a true all-hands-on-deck efforts. We must keep searching,” giit ni Poe.

Iginiit pa ng senadora, dapat bigyan rin ng karampatang tulong ng pamahalaan ang mga pamilya ng mangingisda sa pagpapanatili ng kanilang pag-asa.

Binigyang diin nito, hindi madali ang buhay sa karagatan pero patuloy na sinusulong ng ating ma­ngingisda ang panganib upang mabigyan ng kakai­nin ang kanilang pamilya.

“Anim na araw na ang nakakaraan. Matagal na ang paghihintay ng kanilang mga mahal sa buhay. Malalim at malawak man ang karagatan, kailangan natin silang hanapin at saklolohan,” ayon kay Poe.

Aniya, dapat malawak ang imbestigasyong gagawin ng Coast Guard upang matukoy kung  ano ang tunay na dahilan ng insidente, kaagad kumilos at suriin ang posibleng liyabilidad.

“The public expect no let-up in the search for our countrymen as we await the result of the investigation that will shed light on the real incident and hold the erring party liable for this mishap,” ayon kay Poe.

Nauna nang inihain at inisponsor ni Poe ang Se­nate Bill No. 1077 o ang panukalang National Transportation Safety Board na tututok sa pag-iimbestiga ng aksidente sa himpapawid, highway, railroad, pipeline at maritime.

Inaprubahan na ang panukala sa ikatlo at hu­ling pagbasa sa Senado na nagsasabing masyadong malaking halaga ang aksidente sa anumang uri ng transportasyon at kumikitil ng buhay, at hindi ito dapat isantabi na lamang nang hindi nabibigyan ng katarungan ang mga biktima. VICKY CERVALES

Comments are closed.