MAYNILA – BUMIGAY na ang katawan at tuluyan ng binawian ng buhay ang pares mami vendor na unang nabaril ng isang holdaper matapos sumailalim sa major operation sa Philippine General Hospital (PGH).
Ayon sa bunsong kapatid ng vendor na biktimang si Samson Bautista, na si Sidney Bautista Mercado, alas 9:21, Martes ng gabi, Pebrero 25, nang bawian ng buhay ang kanyang kapatid.
Kuwento pa ni Sidney, natanggal naman umano ang sabog na bala sa batok ng kanyang kapatid ngunit hindi na rin kinaya ng kanyang katawan ang tindi ng operasyon at pinsalang kanyang tinamo.
Si Bautista ay unang inadmit sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) matapos barilin ng naarestong suspek na si Alexander Ogdamina alyas Kalbo, 36, residente ng Gasangan, Baseco Compound, Port Area.
Habang kausap ang nakababatang kapatid ng biktima, hindi naman mapigilan ang buhos ng kanyang pag-iyak dahil sa sinapit ng kanyang kuya at maglabas din ito ng hinanakit sa suspek.
“Buhay ang nawala sana buhay rin ang kapalit. Kung mabuhay pa sana si kuya mapapatawad pa namin siya pero wala na siya, nakakaawa ginawa sa kuya ko. Akala namin magiging okey na siya kasi nagpakitang gilas pa siya, nakausap pa siya ni Mayor nu’ng pinuntahan sa Gat tapos bigla na lang siyang bumigay,” ayon pa kay Sidney.
Nabatid na dinala ang labi ng biktima sa kanilang probinsiya sa Tiaong, Quezon dahil nang nabubuhay pa umano ito ay hiniling niya sa kanyang mga kapatid na dalhin siya sa probinsya upang doon magpagaling.
Si Bautista ay may iniwang tatlong anak sa kanyang maybahay na ngayon ayon kay Sidney ay hindi alam kung paano na masusuportahan ang kanilang anak.
Muli namang nanawagan ng tulong at hustisya ang pamilya ng biktima kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at sa pamunuan ng Manila Police District (MPD). PAUL ROLDAN
Comments are closed.