CAVITE- PATAY ang isang 22- anyos na binata matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa Barangay Bagbag 2 sa bayan ng Rosario kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Macneal Silvestre y Aguja, residente ng Barangay Muzon 2 sa nasabing bayan sa pamamagitan ng pinsan nito na si Jelleny Morabe kung saan inutusan lang nito ang biktima na bumili ng gamot para sa sakit ng ulo pero mag- iisang oras na ay hindi pa raw ito nabalik hanggang makarating sa kanila ang balitang nabaril ito sa kalapit na Barangay.
Gamit pa ng biktima ang motorsiklo ni Morabe nang barilin ng dalawang armadong lalaki na mabilis ring tumakas matapos ang krimen, sakay ng hindi naplakahang motorsiklo.
Nagsagawa ng crime scene processing sa lugar ang Cavite Provincial Forensic Unit at doo’y nakarekober sila ng ilang basyo ng bala at napag-alaman din na hindi gumagana ang naka-install na CCTV sa tapat ng tindahan kung saan nangyari ang krimen.
Hindi magawang tignan ni Chie Silvestre ang kanyang anak na nakahandusay at huli niyang nakitang buhay nang gisingin bago inutusan ng pinsang si Jelleny.
Patuloy naman ang dragnet operation ng pulisya at backtracking sa mga CCTV sa mga lugar na posibleng dinaanan ng mga suspek, bago at pagkatapos ng krimen. SID SAMANIEGO