ISABELA – Hindi na umabot ng buhay sa isang pagamutan ang isang binata habang sugatan naman ang isang magsasaka sa naganap na banggaan ng dalawang motorsiklo sa pambansang lansangan sa Brgy. Liwanag, Tumauini, Isabela.
Nakilala ang nasawi na si Manuel Turingan, binata, at tubong Enrile, Cagayan subalit pansamantalang na-ninirahan sa Brgy. San Mateo, Tumauini, Isabela.
Habang ang suspek ay kinilalang si Roberto Villaflor, 53 anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Minanga sa naturang bayan.
Ang motorsiklo na minamaneho ni Villarflor ay patungo sa hilagang direksiyon habang ang motorsiklo naman ni Turingan ay mula sa kanlurang bahagi ng daan na papatawid sana sa lansangan.
Mabilis umanong binabagtas ni Villaflor ang lugar kaya’t hindi napansin ang papatawid na motorsiklo ng biktima na dahilan ng kanilang salpukan.
Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang biktima at dinala sa pagamutan subalit agad ding binawian ng buhay.
Inilipat naman sa isang pagamutan sa Tuguegarao City si Villaflor na nagtamo ng malubhang sugat sa kanyang ulo. REY VELASCO
Comments are closed.