(Binatikos ng medical associations, health groups) SENATE APPROVAL SA VAPE BILL

KINONDENA ng iba’t ibang medical associations at health groups ang Senado matapos nitong aprubahan sa ikalawang pagbasa ang vape bill na binansagang “anti-health, anti-youth, at anti-children”.

Sinabi ni Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza na hindi naman certified as urgent ng Malacañang pero tila may pagmamadali ang Senado na maipasa ang Senate Bill 2239 o ang panukalang Vaporized Nicotine Products Regulation Act na pangunahing inakda nina Senate President Tito Sotto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Pro Tempore Ralph Recto.

Sa Huwebes ay maaari nang isalang ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala sa kabila ng mga kuwestiyon sa mga probisyon nito gaya ng edad ng mga maaaring bumili ng vape na ibinaba sa 18-anyos o Senior High School, sa halip na 21 taong gulang.

Sa ilalim ng Sin Tax Law o Republic Act 11467,  ang itinakdang minimum age para makabili ay 21.

Hindi rin isinama sa panukala ang mas malawak na limitasyon sa mga papayagang flavor, isa sa ginagamit ng mga manufacturer upang mahikayat ang mga kabataan na gumamit ng vape.

Kinukuwestiyon din ang probisyon na naglilipat sa Department of Trade and Industry (DTI) ng kapangyarihan na i-regulate ang mga vape product sa halip na isailalim ito sa Food and Drug Administration (FDA).

Isinusulong na ang FDA ang mag-regulate ng vape dahil mayroon itong kakayahan na pag-aralan kung ito ay ligtas at kung ano ang epekto nito sa kalusugan.

Ipinanukala ni Sen. Pia Cayetano na panatilihin ang 21-anyos na minimum access, panatilihin ang regulasyon sa FDA at limitahan sa plain tobacco at plain menthol ang papayagang flavor subalit hindi ito tinanggap ng karamihan ng kanyang mga kasamang senador.

Kagaya ni Sen. Cayetano, tutol din ang Philippine Pediatric Society (PPS), Philippine College of Physicians (PCP) at public interest law group na ImagineLaw sa pag-apruba ng panukala na magdaragdag lamang umano sa problemang pangkalusugan na kinakaharap ng bansa.