BULACAN- NATAGPUANG wala nang buhay ang isang binatilyo na may tama ng bala ng baril sa ulo sa Sta. Maria.
Batay sa report ang biktima ay nakilalang si Justin Cuyos, 15-anyos na natagpuan sa isang tulay sa Barangay Pulong Buhangin, Sta Maria Bulacan.
Sa pahayag ng ina ng biktima, nagpaalam sa kanya ang anak na makikitulog sa bahay ng kanyang tiyuhin.
Subalit sa halip na dumeretso sa bahay ng tiyuhin ay gumala pa umano ang biktima at hindi na nakarating sa kanyang tiyuhin at hindi na rin nakauwi kinabukasan.
Humihingi naman ng tulong ang pamilya ng binatilyo nang matagpuang patay na sa sinumang nakakita sa ginawang pamamaslang sa biktima at makipagtulungan sa mga awtoridad.
Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat at pagkalap ng impormasyon ng mga awtoridad na posibleng makatulong sa paglutas ng nasabing krimen. EVELYN GARCIA