BINATILYO TODAS SA SAGASA NG TRUCK

RIZAL – PATAY ang isang binatilyo nang masagasaan ng 10-wheeler truck makaraang itulak ng kaaway nito sa Montalban.

Kinilala ni SSg Elvern Cacatian, may hawak ng kaso ang biktima na pumailalim sa rumaragasang truck na si Vincent Dinusta, 16-anyos, college student, nakatira sa Col. S Cruz street Barangay San Rafael, habang ang nakaaway nito na siyang dahilan umano ng pagkamatay ng biktima na itinago sa pangalang Bob, 16-anyos at residente ng Brgy San Rafael Montalban, Rizal.

Samantala ang driver ng truck ay kinilalang si Jeric Timbug, 46- anyos.

Base sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi sa A. Mabini St. habang binabagtas ng driver ng ten wheler truck na may plakang RJV 221 ang kahabaan ng Barangay Burgos kung saan nasawi ang biktima.

Nag-iinuman umano sina Dinusta at Bob nang magkaroon ng mainitang pagtatalo na humantong sa suntukan kung saan tumilapon ang biktima sa kalsada na siyang naman biglang pagdaan ng truck kung kaya’t nagulungan ang katawan na agad nitong ikinamatay.

Samantala, agad din sumuko si Timbug sa mga awtoridad at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide , habang dinala ang binatilyong nakaalitan ng biktima sa DSWD.
ELMA MORALES