SA kabila ng pagkakasuko sa Land Transportation Office (LTO) ng drivers license ng 19-anyos na estudyante na kasamang sakay ng SUV na umararo sa labindalawang sasakyan sa One San Miguel Ave., Barangay Wack Wack, Mandaluyong City, noong Martes ng umaga, Enero 10, 2023, ay hindi pa umano ito lusot sa kaso.
Sumipot nitong Lunes sa LTO ang abogadong ama na tumayo ring legal counsel ng anak na si Josemaria Roldan na kasama ng kanilang driver na si Dominador Varga, 43, ng maganap ang aksidente.
Hindi naman nakasipot si Varga dahil nakapiit ito sa Mandaluyong City Police Station sa kasong reckless imprudence resulting to physical injuries and damage to properties
Sinabi ni Reinante Militante ang officer in charge ng intelligence and investigation division ng LTO, nanindigan umano ang abogado na hindi ang kaniyang anak ang nagmamaneho ng Toyota Land Cruiser (NIX 307), nang mangyari ang aksidente na ikinasugat ng mahigit sampu katao.
Gayunman, sinabi ni Militante na hindi pa rin nila isasantabi ang posibilidad na ang esudyante ang may hawak ng manibela.
Iniimbestigahan pa rin nila ang mga sinasabing nagpa-practice ng pagmamaneho ang estudyante at kakausapin nila si Varga para malaman ang katotoohanan.
Magugunitang una nang sinabi ng testigong taxi driver na si Richard Flor na nakita niya na isang binatilyo ang nakaupo sa harapan ng manibela pero agad na pinalitan ng matandang driver matapos ang aksidente.
Itinakda muli ng LTO ang pagpapatuloy ng pagdinig sa Enero 30 at inaasahan na nila ang pagharap ng matandang driver. BENEDICT ABAYGAR JR.